“Sa’yo magmumula ang pagbabago,” “Laban, bangon Pilipino,” “Sa tamang panahon, tagumpay ang idadamit sa’tin ng panginoon,” ay ang ilan sa mga hindi makakalimutang linya sa kauna-unahang Expanded Students Grant-in-Aid for Poverty Alleviation (ESGP-PA) Song Writing Contest na ginanap nitong ika-7 ng Setyembre 2017, sa WalterMart, San Agustin, City of San Fernando, Pampanga. Ito ay may temang “Aktibong pamahalaan at mamayan magkatuwang sa pagpapaunlad ng sarili at bayan.”

Layunin ng naturang patimpalak na ipamalas ang mga natatanging talento ng ESGP-PA grantees sa pag-awit at paglikha ng kanta, kasabay ng pangangalap ng magiging background music ng ahensya, ng DSWD Field Office 3, sa kanilang mga promotional videos at iba pang adbokasiya.

“Ipakita natin sa publiko how amazing it is, kaagano ka fulfilling ang magtulungan para sa kaunlaran ng bayan at mga mamamayan,” bahagi ni Assistant Regional Director for Administration (ARDA) Irene Crespo.

Ang Sulong Pinoy ng Aurora State College of Technology (ASCOT) ang ititanghal na “grand champion” ng naturang patimpalak. Ayon sa mga hurado ay sinasalamin nito ang mantra ng DSWD: Maagap, May Malasakit, at Mapagkalingang Serbisyo. Ginawaran naman ng ikalawang p’westo ang Sama-Sama Tayo ng Bulacan State University (BSU), at nasungkit naman ng Tayo Na Sa Bagong Umaga ng Pampanga State Agricultural University (PSAU) ang ikatlong p’westo. Nabigyang pagkilala rin ang Pagbabago Ay Parating Na ng Ramon Magsaysay Technological University (RMTU), Susi Sa Kinabukasan ng Tarlac Agricultural University (TAU), Kabataan Kumilos Ka ng Bataan Peninsula State University (BPSU), at Ang Yakap ng Tarlac State University (TSU).

“Today we both literally and figuratively hear the voices of the youth. Mga kabataan sabi nga ni Rizal ang s’yang pag-asa ng bayan. Kaya naman muli salamat, salamat sa pagbahagi ng inyong talento, at salamat na mag-uli sa mga susunod pang panahon ‘pagkat naniniwala kaming hindi sa pagsulat at pagkanta matatapos ang inyong kontribusyon sa bayan,” ani Ms. Tomasa T. Lirio, Regional Program Coordinator ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (o 4Ps).

“Bilang kabataan, dapat mayroon tayong layuning maisulong ang Pilipinas,” pagbibigay diin pa ni Allysa Angelica Carriaga, isang ESGP-PA Grantee, mula sa ASCOT.

Ang ESGP-PA ay isang partnership-program ng DSWD at Commission on Higher Education (CHED), kabahagi rin ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Budget and Management (DBM) na naglalayong magbigay ng may kabuuang P60,000.00 sa bawat napili at deserving college students sa ilalim ng 4Ps kada taon, na kanilang magagamit bilang stipend, pang-tuition, allowance, at pambili ng libro at ibang pang mga kailangan sa pag-aaral. ### (Andyleen C. Feje)

image_pdfimage_print