“Sa wakas, lahat ng hirap na pinagdaanan namin ay unti-unti ng napawi,” ani Alicia Escultura, 52, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tuwing pagmamasdan ko ang ang mga gintong medalyang karangalan na nakamit ng aking mga anak ay napapawi ang hirap na naranasan ng aming pamilya, dagdag ni Alicia.
Taong 2009 ng lisanin ni Alicia at ang kanyang pamilya ang probinsiyang Bicol upang magbakasali ng magandang buhay sa lungsod ng Cabanatuan. Tanging damit at lakas ng loob ang baon nila sa pakikipagsapalaran. Pagdating sa lugar ay pinatira sila sa bahay ng nakakabatang kapatid binigyan pa sila ng tulong pinansyal para sa pag-aaral ng mga bata. Ang kanyang asawa ay na nakipasada sa kapitbahay upang matugunan ang mga pangangailangan nila sa araw-araw. May mga pagkakataon din na nakakahingi sila ng tulong sa mga malalapit na kamag-anak upang mapunan ang iba pang pangangailangan.
Bago matapos ang taon ay nagkaroon ng enumeration o house to house survey ang DSWD, ngunit wala silang tulong na natanggap. Lihim na pag-iyak ang naging katugunan ni Alicia sa hirap na kanilang nararanasan sa pagsisimula ng bagong buhay sa siyudad ngunit lubos pa din ang pasasalamat niya sa Diyos dahil sa magandang kalusugan ng bawat miyembrong kanyang pamilya.
Kuntento na sana si Alicia na sa kabila ng kahirapan ay kasama naman niya ang buong pamilya ngunit isang araw ay dumating ang kanyang kapatid na nagmamay-ari ng bahay at sinabing ipagbibili na niya ang kanyang bahay at humanap na sila ng ibang matitirhan. Parang gumuho ang kanyang mundo dahil sa kakapusan at hirap pa na matugunan kahit ang pangunahing pangagailangan kaya hindi nila kakayanin ang mangupahan. Nakadagdag pa dito ang biglang pagkakasakit ng kanyang asawa bunga ng sakit na hepatitis kaya kinailangan nito na huminto sa pagtatrabaho.
Nagdesisyon siya na mamasukan bilang tindera at kung minsan naman ay nakikilabada samantalang ang anak niyang panganay ang pumalit sa pamamasada ng tricycle. Panalangin at pananampalataya sa Diyos ang tanging sandigan ni Alicia sa panahong iyon.
Makalipas ang dalawang taon, lumabas ang resulta ng enumeration ng DSWD Listahanan at kasama ang kanyang pamilya sa napiling maging benepisyaryong Pantawid Pamilya. Sunod-sunod ang pagpapala nila sa pagdating ng programa. Nanalo bilang konsehal ng barangay ang kanyang asawa sa nakalipas na eleksyon at malaking tulong sa tagumpay na ito ang pakikisama sa mga kapwa miyembro sa programa.
Nagtapos ang kanyang mga anak na may karangalan: si Armando bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Business Administration sa Nueva Ecija University of Science and Technology taong 2010 at valedictorian naman si Aldwin Paolo taong 2012 at Andrea Ladin taong 2015 sa Sumacab Este Elementary School. Samantala, nagtapos din si Abegail sa kursong Hotel and Restaurant Management sa Nueva Ecija University and Technology taong 2014, habang honor student naman si Aljon Antonio at Alysa sa nagdaang taon.
Bukod dito, nagkaroon din silang maliit na tindahan ng mga gulay, karne at isda para pagkakitaan. Masasabi ng matatag na nga ang kabuhayan ng pamilya dahil sa sipag, tiyaga, pagtutulungan ng bawat isa at malaking bahagi ng tagumpay na ito, ang tulong mula sa Pantawid Pamilya, kwento ni Alicia.
“Naniniwala ako na ang mga anak ang tunay na kayamanan ng magulang, at edukasyon ang sagot upang wakasan ang paulit-ulit na kahirapang maaaring ipamana sa mga susunod pang salinlahi. Lahat ng hirap na pinagdaanan namin ay parang bakas na lang nang lumipas. Isang malaking tagumpay ang pagkamit ng magandang edukasyon ng aming mga anak sa tulong ng ating Panginoon at sa Pantawid Pamilya. ###