
Pangako ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na putulin ang siklo ng kahirapan sa pamamagitan ng pagmumuhunan o pagtataya sa edukasyon at kalusugan ng mga mahihirap na Pilipino.
Nanlalamig, nanlalambot, masaya—hindi alam kung anong mararamdaman, ganito ilarawan ni Nanay Emelie Bernardo, 48, maybahay ang kaniyang pakiramdan nang makumpirma niyang magtatapos ng may karangalang banggit, Cum Laude, ang kanilang panganay ni Tatay Edgardo Bernardo, 49, tubero, na si Mara Bernardo, 19 na may kursong Bachelor of Science in Agricultural Business Management sa Bulacan Agricultural State College.
“Uy congrats,” bati ng mga kapitbahay ni Nanay Emelie sa kanya ng minsang magkaroon ng meeting sa paaralan. “Saan?” buong pagtataka niya. “Kay Mara, ‘di ba Cum Laude s’ya?”
Hindi naman sa walang tiwala si Nanay Emelie sa anak, “hindi ko lang talaga akalain, dahil hindi ko nga noon lubos maisip na makakapagtapos siya ng kolehiyo, ‘pagkat kami’y mga ordinaryong tao lamang,” paliwanag ni Aling Emelie.
Parehong hanggang elementarya lang ang natapos ni Nanay Emelie at nang kanyang asawa. Kaya naman sinisigurado nilang matatanim sa isip ng kanilang mga anak—paulit-ulit niyang pinapaala na “mag-aral ng mabuti dahil walang yamang maipapamana sa inyo ang mga magulang ninyo kundi ang makatapos ng pag-aaral.”
Tulad ng karamihan ng mga magulang, ayaw na ni Nanay Emelie na matikman pa ng kanyang mga anak ang hirap na dinanas nila noon, na itawid ang almusal, tanghalian, at hapunan ng talbos o bunga ng kamote. Kaya naman lahat na ng pwedeng pagkakakitaan ay pinasok ni Tatay Edgardo. Kung walang nagpapagawa ng poso, gripo, o tubo ay makikita siyang namamasada gamit ang kanilang motor na ilang taon din nilang pinag-ipunan o ‘di kaya suma-sideline ng buy and sell ng mga tubo, o nag-aahente sa pag-aarkila ng reaper/harvester. Bukod sa sinisigurado niya ang kalusugan at kabutihan ng kanyang pamilya ay sinisigurado rin ni Nanay Emelie na hindi lang basta tatangayin ng hangin ang dugo at pawis ng kanyang asawa; nakaugalian na nila ang mag-ipon o magtabi ng pera na maaari nilang gamitin o madudukot sa oras ng pangangailangan— kung may magkakasakit o pangpa-enroll sa eskwela, na madalas nagiging dahilan ng pagkakababaon sa utang ng Pamilyang Pilipino.
Hindi lang basta Cum Laude, nabigyan din si Mara ng Loyalty Award, at tinanghal rin na Best Student ng kanilang buong kurso. Kaya naman sa labis na kagalakan, at sa udyok na rin ng mga kaibigan, “ang galing naman ng anak mo, dapat ‘yan pinaghahanda,” ay sinungkit na ng mag-asawa ang kanilang ipon ngayong taon upang ipagpasalamat ang karangalang inuwi ng kanilang anak. Maliit palang ang tatlong mga anak nina Nanay Emelie at Tatay Edgardo ay hindi na sila nakakaranas na kumain sa labas, mamasyal sa Mall. At hindi na rin nila iinintindi ang panggastos sa araw-araw dahil kaagapay nila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program at panggastos ni Mara sa kolehiyo sapagkat inaalayan sila ng Expanded Students Grant-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA). Tumutulong rin si Mara sa pamamagitan ng pagbebenta ng cellular load. Kaya naisip nilang hindi naman siguro bubukol ang minsang ilaan nila ang naipong pera sa isang makabuluhang araw sa buhay ng anak nila.
“Ang paniniwala ko ay yung ibibili mo ng luho ay itabi mo na lang para sa kinabukasan ng anak mo,” ‘yan ang naging panuntunan ni Nanay Emelie at ng kanyang mister upang masiguradong makakatulong sa pagtawid ng kanilang mga anak sa kaunlaran.
Labis ang pasasalamat ng buong pamilya sa Panginoon, sa programang Pantawid Pamilya, at sa bawat isa. “Hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang labis kong pagtanaw ng utang na loob bilang ESGP-PA grantee. Kaya naman pagsusumikapan kong gawin lahat upang magtagumpay at magkaroon ng masaganang buhay, hindi lang ako, kundi pati na ang buo kong pamilya,” ang pangako ni Mara.### (Andyleen C. Feje)