Ikalabing walo ng Oktubre taong 2015 dala ang salbabida na yari sa interior ng malaking gulong ay nagpunta sa ilog ng barangay Padolina si Arthur Ladignon, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program para manguha ng mga inaanod na kahoy para sa pagkumpuni ng bubong ng kanyang bahay. Hindi alintana ang bagyong Lando para lamang sa ikasasaayos ng kanilang munting tahanan. Natanaw nya ang mga taong kasalukuyan nagsasagawa ng paglikas sa may baybayin ng ilog dahil sa paglaki ng ilog dulot ng bagyong Lando. Maraming tao na ang lumikas na nakatira sa malapit sa ilog.

Habang sya ay bumabaybay sa kahabaan ng ilog Padolina natanaw nya ang isang lalaki sa itaas ng puno ng kamatsile na nakakapit ng mahigpit dahil sa takot na matangay ng malakas na agos ng papalalim na ilog. “Heto kapatid ang salbabida, huwag kang matakot makakaligtas tayo,” ang sabi ni Arthur sa isang lalaki.
Batay sa kanyang pagbabahagi, eksaktong sa paghawak nya sa salbabida ay natangay na ang puno ng kamatsile dahil sa malakas na agos ng tubig. Si Arthur habang nakakuyapit sa gilid ng salbabida at marahan nya itinutulak ito papunta sa pampang ng ilog para sa kaligtasan ng isang taong miyembro ng Rescue Team ng General Tinio,Nueva Ecija. “Wala po akong kahoy na nasagip para sa aking pagkumpuni ng aming tahanan bagkus ay isang buhay ang aking nasagip,” ani Arthur.

Dahil dito, si Arthur ay ginawaran ng parangal ng Bayan ng General Tinio bilang pagkilala sa kanyang kabayanihan sa pagsagip sa buhay ng kanyang isang kababayan sanhi ng bagyong Lando. Ang “ Gawad Parangal “ ay ibinigay nuong Oktubre 26, 2015 na nilagdaan ng Punong Pamahalaan ng General Tinio kalakip ang P5,000.00 na pabuya at karagdagang pabuya na P5,000 galing sa pamilya ng kanyang iniligtas. Hinirang din siya na maging isa sa mga miyembro ng Rescue Team ng General Tinio.

Si Arthur at ang kanyang pamilya ay lubos ang pasasalamat sa tulong na ibigay at malaking bahagi ito para sa kanyang pamilya at pagkumpuni ng kanilang tahanan.

Si Arthur ay isang magsasaka, nakatapos ng 2nd year high school at hindi nakapagpatuloy ng pag aaral hanggang makapag-asawa. Salat man sa mataas na pinagaralan ay mataas naman ang tiwala sa sarili at paniniwala na ang pagtulong sa kapwa ay isang responsibilidad bilang isang Kristiyano at mabuting mamamayan. Marami na siyang nasagip na buhay sa ilog ng barangay Padolina ngunit sa pagkakataong ito siya ay hinirang na isang bayani. Ang kanyang asawa ay tumutulong na kumita ng kaunting pera sa paglalabada isang beses sa isang linggo. Ang kanilang dalawang anak edad 6 at 4 na taong gulang ay itinataguyod ang pag aaral sa abot ng kanilang makakaya at sa tulong ng Pantawid Pamilya. Hindi sila lumiliban sa klase at handang matututo para sa kanilang kinabukasan. May simple at masayang pamumuhay kahit salat sa ibang bagay.

“Naniniwala po kami na mababago ang aming buhay sa tamang panahon dahil sa pagtitiyaga sa buhay at pagtitiwala sa ating Panginoon. May magandang bukas ang aming mga anak dahil kaantabay rin namin ang ating pamahalaan sa pamamagitan ng Pantawid Pamilya,” ani Arthur.

Tunay nga na sa pagsalba ng buhay, sya ang Bida. ### (Rowena T. Balingit)