Mac

“Masakit po sa kamay, tumatagaktak ang pawis at nangangawit ang aking mga braso sa pagdadamo sa aming munting taniman ng gabi. Naisip ko, ayokong hanggang ganito na lamang, kailangan kong makatapos ng pagaaral,” wika ng ating ESGP-PA iskolar mula sa Central Luzon State University na si Mac Michael Rubio.

Bakas ang kahirapan sa mag- aaral na ito nung siya’y aking unang makilala. Gayunpaman makikita sa kanyang mga mata ang pag-asa at pagiging positibo na siya ay magtatagumpay sa pag-aaral sa tulong ng ating programa, ang Pantawid Pamilyang. Simple, payak at masaya ang kanyang paglalarawan sa kanyang pamilya. Lima silang magkakapatid at siya na lamang ang inaasahan ng kanyang pamilya upang makaahon sa hirap. Ang kanyang mga magulang ay umaasa sa maliit na bukid na tinatamnan nila ng sibuyas o kaya’y gabi kung minsan.

Dahil sa taglay na sikap at katalinuhan, si Mac ay nagtapos ng elementary at sekondarya na may gintong medalya ngunit ramdam nya na malabo na siyang makapag-aral sa kolehiyo dahil gipit sila sa pera. Sinubukan nyang mag-aral ng short course sa Philippine Manpower Training Center at natapos naman niya ito. Upang makatipid, gumagamit lamang siya ng bisikleta sa pagpasok sa paaralan at hindi inalintana ang mainit na sikat ng araw at maging ang malakas na ulan sa pagbagtas sa kahabaan ng daan patungo sa paaralan sa loob ng dalampu hanggang tatlumpong minuto.

Laking pasasalamat ni Mac nang siya ay mapabilang sa scholarship na ipinagkallob ng DSWD. “Labis po ang pasasalamat at saya ng aking pamilya dahil simula na nang pagbabago ng aming buhay,” ang sabi ni Mac. Kumuha siya ng kursong Bachelor of Science in Chemistry sa Central Luzon State University at sa kasalukuyan ay nanatili ang kanyang pagiging Dean’s Lister at umaasam sa kanyang pagtatapos ngayong Hulyo at makamit nyang muli ang gintong medalya ng tagumpay.

“Katuwang po namin ang Pantawid Pamilya sa aking pag-aaral; napakalaking tulong ng ESGP-PA sa akin kaya talagang pinagbubuti ang aking pag-aaral upang masuklian ko anaman ang DSWD. Higit sa lahat nagpapasalamat din ako sa ating Panginoon at sa suporta ng aking pamilya,” ani Mac.

Pangarap ni Mac na sampung taon mula ngayon ay maiahon sa kahirapan ang pamilya at hindi na nila kakailanganin pang magdamo muli sa paligid ng taniman ng gabi. Nais niyang mapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga kapatid dahil naniniwala siya na ang “Edukasyon ang susi sa kahirapan”.

“Ang buhay ay gaya ng isang BISIKLETA, kailangan mong pumidal at padyakan ng may lakas at may determinasyon upang umusad tungo sa nais mong marating. Hindi ito titigil hanggang hindi tayo tumitigil na imaneho ito hanggang marating ang destinasyon na ating inaasam,” ang pangwakas na salita ni Mac. ### (Frank Gregor S. Velayo)