Dialogue with PLs

“Ang isang susi para maputol ang siklo ng kahirapan ay ang edukasyon,” pagbibigay diin ni Sec. Corazon Juliano-Soliman noong nakaraang Parent Leaders Dialogue na ginanap sa Nueva Ecija, sa Pag-asa Gym, San Jose City nung umaga, at sa Araullo University Gym nung hapon.

Ang Parent Leaders Dialogue ay isang aktibidad na bahagi ng Active Citizenship na naglalayong magmulat sa mga benepisyaryo upang sila ay makialam at makibahagi sa mga usaping politikal at sosyal na ang kanilang kapakanan ang nakasaalang-alang.

Isa sa mga pinakamahalagang bahagi ng aktibidad ay ang open forum kung saan ang mga Parent-Leader ay nagkaroon ng pagkakataong linawin ang ilang mga katanungang bumabagabag sa kanilang isipan.

Ang diskusyon ay nakapaloob sa tatlong paksa. Una, ay kung maari bang mabigyan ng allowance ang mga Parent-Leader. Ikalawa, ay kung paano pa mas makakatulong ang mga Parent-Leader sa pagpapabuti ng programa. At ikatlo, ay kung maaari bang maging campaign volunteer ang mga Parent-Leader.

Ayon sa mga sagot ni Sec. Soliman, hindi maaring bigyan ng allowance ang mga Parent-Leader, gayunpaman ay isinusulong na magkaroon ng budget para sa kanilang transportasyon at komunikasyon, na maaring i¬-reimburse o maisauli sa kanila.

“Ang tulong na nagagawa ng mga Parent-Leader ay napakalaking bagay sa magandang implementasyon ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino,” wika ni Sec. Soliman. Sila ay nagsisilbing tagapayo ng mga kapwa nila benepisaryo, at tagapagpadaloy ng impormasyon. Kaya naman iminungkahi niyang sila ay maging mapanuri at tulungan ang mga kasama at hikayating maging ganoon rin.

“Hindi ninyo po kailangang humingi ng permiso. Ang pangangandidato ng kursunada ninyong politiko ay inyong karapatan. Sapagkat ang inyong taya ay mas malaki. Kami sa DSWD ay mawawalan lang ng trabaho samantalang sa inyo ay mawawala ang panaginip na hawak na ninyo. Ang katotohanang maaring makapagtapos ang inyong mga anak ng high school, ang katotohanang maaring magpatuloy sa kolehiyo ang inyong mga anak, at ang katotohanang maari silang makahanap ng magandang trabaho,” sabi ni Sec. Soliman. Hindi, aniya, sila maaring pakialaman ng mga City/Municipal Links (C/MLs) hanggat hindi nila inaabuso ang kanilang tungkulin at tinatakot ang kanilang miyembro. Dagdag pa ni Secretary Soliman, ang pagkaalis ng sino mang benepisyaryo ng Pantawid ay nasa kamay lang ng Department of Social Welfare and Development na nakasalalay naman sa pagsunod ng mga miyembro sa mga alituntunin at kondisyon ng programa.

Nabanggit din sa aktibidad ang pagsasabatas ng Pantawid dahil na rin sa mainit na balitang apat (4) sa limang (5) botante ang maghahalal sa politikong magpapatuloy ng programa. Ngayon nga ay mayroon nang House Bill na nasa Senado, House Bill No. 6393 na naaprubahan sa pangatlong basa ng House of the Representative noong Pebrero 1, 2016.

Gayunpaman, isa sa pinakamahalagang tampok ng Bill ay ang pagkakaiba nito sa umiiral na programa pagdating sa limitasyon ng pagiging miyembro ng programa. Ayon sa House Bill No. 6393 ay ang isang pamilya ay maari lamang maging miyembro ng Conditional Cash Transfer (CCT) sa loob ng limang (5) taon, samantalang ayon sa umiiral na programa ay maaaring manatiling miyembro ang isang pamilya hanggat mayroon silang anak/ mga anak na may edad 0-18 taong gulang at ang kanilang kabahayan ay nauring mahirap sa Listahanan.

“Mahalaga na ang batas na umaayon sa mga probisyon na naglilingkod sa inyong layunin na mapanatili ang mga bata sa eskwelahan at mapanatiling malusog,” turan ni Sec. Soliman. ### (Andyleen C. Feje)

image_pdfimage_print