Ang kahirapan sa buhay ang isa sa pangunahing pagsubok na pinagdaanan namin ng aking asawa. Bago po ako naging isang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiary, isa lamang po kaming hamak na mahirap at walang permanenteng trabaho. 

May mga pagkakataon na kinukuha nila ang aking asawa na magsaka pero porsiyentuhan lang naman po siya. Pag maganda ang ani, meron naman po kaming natitirang pagkain at pambili ng aming pangunahing pangangailangan sa buhay. Sa panahon rin po ng anihan, tinutulungan ko rin po ang aking asawa sa paggagapas/pag ani ng palay. Kung may pagkakataon naman po ay nagingisda siya upang kami ay merong maulam sa araw-araw.

Isang araw, laking tuwa naming ng aking asawa ng isa kami sa mapalad na napasama sa 4Ps. Naging aktibo akong beneficiary at isa rin po akong Parent Leader. Lagi kong inaalalayan ang mga kagrupo ko sa paggawa at pagsagot ng aming mga assignments lalo na pag hindi nila alam ang kanilang gagawin. Aktibo rin ako sa pakikiisa sa clean and drive/community service sa aming barangay.

Bawat sentimo na natatanggap sa aming cash grants ay pinapahalagahan ko. ‘Yung iba ay ginagamit ko sa pambili ng mga pangangailangan ng aking mga anak sa paaralan. Yung iba naman ay binibili ko ng aming pagkain. Nagtatabi rin ako ng isang libo kada payout upang may mahugot ako sa panahon na mangailangan ng biglaan ang aking pamilya at para mayroon akong puhunan sa aking pagtitinda. 

Nagsimula lang kami sa isang libong puhunan sa aming pagtitinda. Kami ay nag-rorolling [store]  ng aking asawa. Mula sa isang libong puhunan, nadoble ito, hanggang sa napalago namin ang aming mga paninda.

Sa dami ng aming mga naging suki ay kumikita na kami ng isang libo kada araw. Dahil dito, ang dati naming barong-barong ay napa-ayos at napakonkreto na namin. Unti-unti naming nakumpleto ang mga appliances, at nagkaroon ng komportableng silid-tulugan at nalagyan pa namin ito ng aircon. Ngayon ay natitikman na rin namin ang mga pagkain na dat-rati’y sa TV lang namin nakikita. Sa ngayon, ‘di na rin namin pinoproblema ang pag-aaral ng aking mga anak. Hindi ko na kailangang mag-alala sa kanilang isusuot na sapatos, damit, at bag na gagamitin nila.  

Ako po ay nagpapasalamat sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program sapagkat binago nito ang aming buhay, binago rin nito ang aming pananaw lalo na sa pagpapahalaga sa buhay pamilya at kung papaano haharapin ang mga pagsubok sa ating buhay.

image_pdfimage_print