Story Lead by: Hanna Pamela Alimon

Quezon, Nueva Ecija – May dalawang battle field ang COVID19 crisis. Ang isa ay ang epekto ng Pandemya sa kasulugan na nilalabanan sa ospital, at ang isa naman ay ang gutom ng mga impormal na sektor na makikita sa komunidad.

Kung may mga medical warriors and mga ospital, meron namang ding mga kawal ang komunidad. Sila ay ang mga lokal na opisyal at empleyado, pribadong sektor at mga volunteers, at syempre, ang DSWD.

Inilalagay sa peligro ng mga taong ito ang kanilang kalusugan dahil walang kikilos kun’di sila. Nakikisalamuha sila sa iba’t-ibang tao na nagpapataas naman ng tsansa ng pag-atake ng kalabang hindi nakikita. Takot sila para sa kanilang sarili pati na rin para sa kanilang mga pamilya.

Isang buwan nang namamalagi sina Doreen, Shaira, Jo, Daisy at Kevin sa opisina. Doon sila nagtatrabaho, nagluluto, kumakain, naglalaba, at natutulog. Isang buwan na silang hindi umuuwi sa kanilang mga tahanan upang mas maging mabilis ang kanilang pag-aksyon sa inaasahang serbisyo mula sa kanila. Ilan lamang sila sa daan-daang empleyado ng DSWD Region III na nagbigay ng suporta sa matagumpay nitong pamamahagi ng Emergency Subsidy Assistance (ESP).

Madaling araw silang gumigising. Maghapong binabaybay ang komunidad. Dapit-hapon hanggang gabi silang sumasagot sa mga katanungan at reklamo. Kasabay nito ang patuloy na paggawa sa kanilang regular na trabaho.

Sa kanilang pagbabahay-bahay, naranasan nilang habulin ng aso ng limang beses sa isang araw. Nakarinig din sila ng pambabatikos sa ahensya at kawani nito habang sila’y namamalengke. Kasama ang pagod at pagtatrabaho maging mga araw na walang pasok. Alam nilang bahagi ang lahat ng ito ng laban.

Para sa kanila, ang mahalaga ay maganpanan nila ang kanilang tungkulin. Naniniwala sila na ang kanilang pananampalataya ang siyang gagabay sa kanila. Pinagkukuhanan rin nila ng inspirasyon ang kanilang pamilya at ang bawat ngini ng mga mahihirap sa pagtanggap nila ng ayuda. Bukod dito, lumalakas ang kanilang loob dahil sinisigurado ng lokal na pamahalaanna ng Quezon ang kanilang kaligtasan at maayos na kalagayan.

Walang pinipiling mukha, lugar at panahon ang paglilingkod. 

image_pdfimage_print