BALANGA, BATAAN – Magkatuwang na inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Sustainable Livelihood Program (SLP) at SM Foundation, Inc (SMFI). ang ika-199 batch ng Kabalikat sa Kabuhayan (KSK), Rural Farmers’ Training Program sa Brgy. Tuyo, Balanga, Bataan.

Dinaluhan ito ng 137 na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program at 174 na non-beneficiary mula sa naturang bayan.  Simula noong 2012, naging katuwang na ng DSWD-SLP ang SM Foundation-KSK.

Ang mga kalahok ay sasailalaim sa 14-week intensive training upang makamit ang layunin ng programang na matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng technical assistance mula sa Harbest Agritech Servcies at pakikipagunganayan sa Department of Agriculture (DA), values formation katuwang ang DSWD at financial literacy kasama ang BDO Foundation, Inc. hanggang sa marketing strategies na ihahandog din ng SM Supermalls.

Inaasahan na ang KSK Rural Farmers’ Training Program ay magiging daan upang maabot ang agricultural sustainability patungo sa food security ng mga magsasaka sa lalawigan ng Balanga.

Dinaluhan ito ng DSWD Regional Director na si Gemma B. Gabuya at pinaalalahanan ang mga kalahok na magsumikap, “Kailangan may sakripisyo, kailangan bigyan ng oras para matuto, dahil ang matutunan niyo [ay] hindi babalik sa’min, ito ay babalik sa inyo; sa inyong mga anak at mga apo. Malaki ang inyong kontribusyon sa sinasabi nating poverty reduction.”

Hamon pa ni Dir. Gabuya para sa mga benepisyaryo ng 4Ps, “Kayo ngayon ang magpapatunay na pwedeng umahon [at] umangat ang mahirap. Kayo ngayon ang magpapakita sa inyong [mga] kasamahan, sa inyong komunidad na mayroon tayong mga kanya-kanyang kakayahan, kailangan lang sinupin at magsakripisyo.”

Hinikayat din ng AVP for SM Foundation na si Gng. Christie Angeles ang mga kalahok na maging matiyaga sa kanilang pagsasanay at tapusin ang kanilang pagsasanay.

image_pdfimage_print