Updated: July 1, 2019

Nagpapaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang Social Pension Program ay nagbibigay ng ayuda sa mga maralitang nakakatanda. Ang ayudang ibinabahagi sa mga kwalipikadong benepisyaryo ay nagkakahalaga ng ₱500.00 kada buwan at HINDI ₱6,000.00.

Umaapela rin ang departamento sa publiko na iwasan ang pamamahagi ng impormasyon na hindi nagmula o walang pagbeberipika sa DSWD upang maiwasan ang “disinformation” nang sa ganoon ay hindi magdulot ng kalituhan sa publiko lalong-lalo na sa mga nakakatanda. Ang maling impormasyon na kasalukuyang kumakalat sa Social Media ay nagdulot ng pag-punta ng mga matatanda sa aming tanggapan kung saan sila ay napilitang gumastos ng kanilang pamasahe para lamang malaman na hindi totoo ang balitang nakarating sa kanila.

Ang Social Pension for Indigent Senior Citizens ay nagsimulang ipatupad noong taong 2011 sa pitong (7) probinsya ng Gitnang Luzon. Sa kasalukuyan, mayroong 105, 581 (as of January 2018) ang nagbebenepisyo sa programa.

Ang paglaki o pagdagdag ng benepisyo ay nakasalalay sa ponding ibinabahagi ng National Government sa pamamagitan ng DSWD Central Office.

Ito ay nakaayon sa Republic Act 9994 o Expanded Senior Citizens Act of 2010. Layon nitong magbigay ng karagdagang benepisyo o pribilehiyo sa mga mahihirap na Senior Citizens sa halagang ₱500.00 kada buwan para sa dagdag na panggastos para sa araw-araw na pangangailangan ng mga mahihirap na Senior Citizens.

Sino ang KWALIPIKADO upang mapabilang sa programa?

    1. Isang mamamayan ng Pilipinas na may edad 60 pataas;
    2. Walang permanenteng pinagkukunan ng kabuhayan, kompensasyon o pinansyal na tulong mula sa mga kamag-anak para suportahan ang mga pangangailangan nito;
    3. Binibigyan ng prayoridad ang mga nakatatandang mahina, may karamdaman o may kapansanan; at
    4. Walang natatanggap na pension mula sa SSS, GSIS, o iba pang tipo ng pension na maaaring magmula sa gobyerno o pribadong ahensya.

Paano maging Benepisyaryo ng programa?

Ang mahirap na Senior Citizen o kamag-anak nito ay maaaring magdala ng kopya o photocopy ng birth certificate ng Senior Citizen at OSCA ID o anumang valid ID sa pinakamalapit na Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) o City/Municipal Social Welfare and Development Office (C/MSWDO). Ang nasabing tanggapan ang magebebripika o mag-aassess ng kanyang kwalipikasyon.

Ang isang benepisyaryo ay makakatanggap ng ₱500.00 kada buwan. Ito ay ibinabahagi minsan sa anim na buwan na may kabuuang halaga na ₱3,000.00 kada isang semestre.

Ito ay ibinabahagi sa pamamagitan ng door-to-door delivery, fund transfer scheme at/o cash pay-out.

Para sa inyong mga katanungan at paglilinaw, maaari kayong magpadala ng mensahe sa DSWD FO III official facebook page: @dswdfo3 o mag-e-mail sa socialpension.fo3@dswd.gov.ph.— 

SOCIAL MARKETING UNIT

Department of Social Welfare and Development Field Office III

image_pdfimage_print