Abot kamay na ng cluster barangay, Quezon, Nueva Ecija ang napagkaisahan nilang proyekto para sa kanilang komunidad.

Nagsama-sama ang apat na barangay ng Quezon, Nueva Ecija, para sa iisang layunin na mabigyang solusyon ang problema sa pagbaha tuwing sasapit ang tag-ulan. Ayon sa mga residente, kalimitang umaabot at nagtatagal mula dalawa hanggang tatlong araw ang baha, kung kaya nangangamba sila sa kanilang kaligtasan at kalusugan.

Ang mga barangay Brgy. I, II, Doña Lucia at Dulong Bahay ang bumubuo sa kabayanan ng bayan ng Quezon at sentro ng komersyo na kinaroroonan ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan.

Kaya laking pasasalamat ng mga community volunteers ng Quezon na sa wakas ay mauumpisahan na ang kanilang napagkaisahang proyekto na drainage canal. Ito ang tutugon sa pagsasaayos sa mga daluyan ng tubig sa mga apektadong purok ng mga nasabing barangay na siyang inaasahang solusyon sa problema ng pagbaha.

“Nagpapasalamat kami dahil dumating ang Kalahi dito sa Quezon noong 2014. Hindi po kayang bayaran ng pera ang mga natutunan namin sa kalahi-CIDSS. Balewala lahat ang mga pinagdaan naming hirap. Hindi lang naman kaming mga volunteers ang makikinabang sa proyektong ito, kundi ang buong komunidad at mga susunod na henerasyon,” ito ang buod ng mensahe ni Rodel Cruz, 56, Barangay Sub-Project Management Chairperson, sa ginanap na groundbreaking ceremony kanilang drainage canal sub-project.

Dagdag naman ni Belinda Caerlan, 38, Procurement Team Head, “Masayang masaya po kaming mga volunteers dahil magsisimula na ang aming proyekto na siyang katuparan sa aming pangarap. Maraming salamat po sa kalahi-CIDSS dahil matutugunan na ang aming problema.”

Ang proyekto ay may kabuuang halaga na 12,000,000 milyong piso at 1,720 kabahayan ang makikinabang dito.

Pinasalamatan naman ni Mayor Mariano Cristino Joson, ang mga community volunteers at Area Coordinating Team ng Quezon, na hindi sumuko kahit muntik nang hindi matuloy ang proyekto. “Kayong mga volunteers ang nagpakahirap dito at gusto ko ring pasalamatan si Darwin Nazal, ang Area Coordinator ng Quezon sa kanyang kasipagan.”

Ang DSWD Kalahi-CIDSS ay gumagamit ng pamamaraang community-driven development, kung saan mga residente ang mismong tutukoy sa pangangailangan ng komunidad at pipili at magpapatupad ng mga akmang solusyon dito. Sila rin ang bumuboto kung aling mga barangay ng munisipyo ang mapopondohan ng programa.

“Sana ay palawigan pa natin ang ating ugnayan at pagtatrabaho. Bilang volunteer kayo ang bida ng ating programa, kami at ang bayan ng Quezon ay nandito lamang upang umantabay para sa patuloy na pagdaloy ng mga proyekto dito sa inyo,” ito ang mensaheng iniwan ni Lilia Ediza, Regional Program Coordinator ng Kalahi-CIDSS Region III sa mga community volunteers ng Quezon. ### (Jeffrey D. Pelariza)

image_pdfimage_print