ANG KAALAMAN AY KAPANGYARIHAN. Kaya naman sa pagsasakapangyarihan ng mga komunidad, mahalagang iparating sa kanila ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa kasalukuyang mga serbisyo at estado ng ibat’-ibang aspetong local na pamahalaan.

Noong ika-21 ng Disyembre 2016, ay naganap ang Municipal Talakayan sa Talugtug, Nueva Ecija. Magkatulong itong inorganisa ng Local Government Unit (LGU) ng Talugtug at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), isa sa mga pangunahing programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Layunin nitong maragdagan ang kaalaman ng mga mamamayan sa mga plano ng local na pamahalaan at kasalukuyang estado ng mga proyekto nito. Layunin din ng aktibidad na itong bigyan ang mga mamamayan ng pagkakataong harapang makipag-usap sa mga lider ng pamahalaan.

“Maganda itong ginagawa natin para malaman ng lahat ang kasalukuyang nangyayari sa bayan. Dapat makinig tayong lahat at magtanong,” ani Municipal Mayor Quintino Caspillo Jr. sa kanyang pambungad na pananalita.

Ang aktibidad ay kinapapalooban ng tatlong session kung saan tinalakay ang mga datos sa iba’t ibang aspeto ng bayan gaya ng edukasyon, estado ng pamumuhay at pangangailangan ng mamamayan, persepsyon ng masa sa pagsasakapangyarihan ng mga mamamayan, at iba pa. Ang ikalawang bahagi naman ng palatuntunan ay kinapapalooban ng gallery walk, focus group discussion kasama ang mga miyembro ng Municipal Inter-Agency Committee (MIAC), at open forum.

Ang aktibidad ay dinaluhan ng 148 na mamamayan mula sa iba’t ibang barangay ng Talugtug, Nueva Ecija. Dumalo rin ang iba’t ibang pinuno ng mga departamento ng local na pamahalaan sa pamumuno ng alkalde ng bayan na si G. Quintino Caspillo Jr.

Inaasahang magagamit ng mga mamamayan ang mga datos na inilatag sa puspusang pagplaplano ng mga solusyon sa mga kanya-kanyang suliranin o mga problema sa komunidad. ### (Ma. Dennielle M. Lomboy)

image_pdfimage_print