Pera sa Basura, Training for Work Scholarship Program, Pantawid Pananghalian, Gabi ng Pantawid Pamilya, Love Bus, Gulayan sa Barangay, 4 o’clock Reading Habit, Centenarian, at 4K (Kabuhayan, Kaalaman, Kalusugan, Kaayusan), ay ilan lamang sa mga masasabing Best Practices ng Region III.

Kamakailan nga lang ay binisita at pinag-aralan ng Regional Validation Committee na binubuo ng Social Marketing Unit (SMU), Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at Institutional Development Unit (IDU) ng DSWD Field Office III ang mga nabanggit na proyekto. Layunin ng nasabing pagsusuri na alamin kung ang mga nasabing mga proyekto ay nagbibigay ng positibong pagbabago sa kanilang miyembro pati na rin sa komyunidad, kung ito ay naaayon ba at napapanahon sa kailangan ng sambayanang Pilipino, at kung ito ba ay nagtataas sa antas ng lipunan at ng kanyang nasasakupan.

Ang Pera sa Basura ay isang proyekto na naglalayong makatulong sa pagpapabuti ng kapaligiran, kasabay nito ang pagbibigay ng pondo sa mga parent leader ng Pantawid Pamilya at kanilang mga miyembro sa buong bayan ng Pulilan, Bulacan na may 37 barangay, at ng dagdag na pondo at kita.

“Ang hashtag ko sa project na ito ay maging daan patungo sa puso ng kalikasan tungo sa kaunlaran,” bahagi ni Cristine Geronimo, 37, public relations officer (PRO) ng proyektong Pera sa Basura. Ayon sa mga mamamayan ng Barangay Dulong Malabon, kung bahain ang kanilang lugar ay hanggang balikat ng tao, ngayon ang baha sa kanila ay hanggang baywang na lamang.

Isa sa pinaka-pinagmamalaking tulong ng grupo na kanilang nagawa ay ang paghahandog ng mga grocery packages sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda. At nitong nakaraang taon ay naglunsad ang grupo ng paglisahan ng mga Ginang Pantawid, kung saan ang mga kasuotan ng mga lumahok ay pawang yari sa mga recycled material. Bukod pa rito ay may proyekto rin ang grupo na pag-iimpok o pag-aalkansya, na kanilang binubuksan tuwing Hunyo at Desyembre, para sa pasukan ng mga bata at Pasko. Ang mga miyembro na may pinaka-malaking naimpok sa bawat barangay ng Pulilan ay may makukuhang premyo, na manggagaling sa pondo ng Pera sa basura; nung nakaraang taon ay nagpamigay sila ng rice cooker. Sa ngayon, pinaplano ng grupo na magtayo ng munting tindahan, kung saan ang ibabayad ay mga kalakal, na tutumbasan nila ng tamang presyo.

Ang Training for Work Scholarship Program nama’y bigyan ng pagkakataong makagpaaral ang mga pinakamahihirap na bata, sa tulong ng Richwell Colleges Incorporated, at ng kanilang kumpletong mga pasilidad. Sila rin ay accredited ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang Assessment Center.
Ang mga bata ay maaring makakuha ng National Certificates (NC) IIs sa Housekeeping, Beauty and Wellness, Cookery, Bartending, Food and Beverages, at NC IIIs sa Bookeeping at Visual and Graphic Designs, at iba pang available na courses na mayroon ang naturang paaralan.

At bilang suporta ng Local Government Unit (LGU) ng Bulacan, ay naglaan sila ng pondo para sa pamasaheng gagamitin ng mga bata upang patuloy na makapasok sa eskwela, mula sa unang pasok hanggang sa kanilang graduation, na kadalasa’y tumatagal ng 18-55 na araw.

“Yung mga batang iyan, yung hawak nilang pera pangkain lang, ‘di mo pwedeng agawin yun para maging pamasahe para makapag-aral sila, at most likely ‘pag wala silang pamasahe, ‘di nila matatagpos yung napili nilang course,” bahagi ni Gng. Teresa Viernes, Municipal Social Welfare and Development Officer (MSWDO) ng Plaridel, Bulacan.
Nito lamang ika-1 ng Agosto ay nakapagpatagpos na ang Richwell Colleges Inc. at LGU ng Plaridel ng 56 batang Pantawid. Isa pa sa mga pangako ng paaralan, bukod sa libreng pag-aaral, ay ang tulungan ang batang napagtatapos nila na agarang makahanap ng trabaho.

Ang Pantawid Pananghalian naman ay isang proyekto ng munisipyo ng Botolan, Zambales na naglalayong tugunan ang mababang attendance sa mga paaralang pang-elementarya ng nasabing munisipyo, sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng tanghalian lalo sa mga batang kailangan pang tumawid sa bundok at ilog para lamang makapasok sa eskwela.
“Ayon sa resulta ng Social Welfare and Development Indicators (SWDI) ay maraming bata na hindi kumakain ang pumasok sa eskwela, lalong-lalo na yung mga elementarya, kaya naman isinama natin ito sa aming Municipal Action Plan (MAP),” bahagi ni Gng. Edwina Sibug, MSWDO ng Botolan, Zambales. At noong ika-16 ng Agosto na-aprubahan na ang Resolution No. 38 series of 2016 na pinangalanang “Resolution Supporting and Adopting the MAP of 4Ps in the municipality of Botolan” na naglalayong magpondo ng P460,000.00 mula sa LGU at P859,000.00 mula naman sa DSWD Bottom-up Budgeting (BuB) para sa pitong (7) eskwelahan sa mga timog na barangay ng munisipyo ng Botolan para sa mga malnourished at non-compliant na mga bata na may total na bilang na 100.

Ang Gabi ng Pantawid Pamilya naman ay isang proyektong munisipyo ng Orion, Bataan na naglalayong bigyang ng isang buong gabi ang lahat ng miyembro ng Pantawid Pamilya sa nasabing lugar na ipamalas ang kanilang talento, tuwing ipinagdiriwang ang pistang bayan at Paskuan sa Udyong, na inabot ng siyam na gabi.
“Masaya po kami dahil naibabahagi po namin ang aming kakayahan, na hindi lamang kami basta nakaasa sa tulong na binibigay ng gobyerno, at handa kaming tumulong para sa ikakauunlad ng bayan,” bahagi ni Nanay Belinda Salud, parent leader at Barangay Tanod.

Ayon kay Bb. Lorena Samonte, Secretariat ng Municipal Tourism Development Council (MTDC) ay itinuturing nilang Civil Society Organization (CSO) ang mga Pantawid sa kanilang lugar, na isa sa mga pinaka madaling i-tap, aniya, na organisasyon bilang katuwang ng LGU sa kanilang mga programa tulad ng Coastal Clean-up, International Tree Planting at iba pa. Kaya naman binuksan nila ang isang gabi para sa mga miyembro ng Pantawid Pamilya upang maging daluyan ng impormasyon at magbunga ng kamalayan sa tao na maraming kayang gawin kahit na ang mahihirap na tao.
Ang Love Bus naman ay proyekto ng bayan ng Bamban, Tarlac na naglalayong magbigay ng agaran, libre, at may seguridad na transportasyon para sa mga mahihirap na mag-aaral na nakatira sa mga remote areas ng naturang bayan; hatid-sundo ang mga bata ng tatlong bus.

Dahil dito’y dumami ng mahigit 50% ang mga nag-aaral na bata sa Bamban, matapos ang anim na taong implementasyon. At higit pa riyan, ayon sa mga magulang ng mga bata ay hindi bababa sa P13,000.00 kada bata ang natitipid nila sa kada taon.

Nagagamit din ang Love Bus bilang service ng Pantawid, Senior Citizens, at iba pang mga CSO sa bayan, kung hindi naman ito makakapekto sa schedule ng paghatid-sundo sa mga bata. Plano ng munisipyo na madadagdag pa ng dalawang bus upang mas mapaglingkuran pa ang dumaraming bilang ng mga batang nais makapagtapos ng pag-aaral.
“Dahil po sa tulong ng service mula sa munisipyo ay nakakapag-aral na ang mga anak ko, at nakakakauwi po sila ng maayos. Dakal pung salamat,” wika ni Nanay Marissa Mendoza, na may tatlong anak na nag-aaral, na regular na pasahero ng naturang Love Bus.

Ang Gulayan sa Barangay nama’y proyektong pangkalikasan ng lokal na pamahalaan ng Moncada, Tarlac sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Municipal Environment and Natural Resources (MENRO), Department of Agriculture (DA), at DSWD, na naglalayon ding magpataas ng pagkonsumo ng masusustansyang pagkain at magkaroon ng dagdag pagkukuhanan ng kita ang mga mamayan, ng bawat barangay, ng nasabing bayan.

“Malaki po ang naitutulong nitong gulayan dahil hindi na po namin kailangang dumukot ng pera sa aming bulsa para lang makakain ng masustansya. Ang sarap ding langhapin ng hatid nitong sariwang hangin,” bahagi ni Nanay Ma. Victoria Sales, Parent-Leader ng Barangay San Julian, Moncada, Tarlac.

Ayon pa sa kanila, masisigurado ring ligtas sila sa pagkain ng mga ito kahit kapipitas sapagkat pawang organiko ang ginagamit na pataba. At ang mga mamamayan ng bawat barangay ay nagdagdag na rin ng tanim na mga halamang herbal. Sa susunod pang mga buwan ay pinaplano na rin ng mga miyembro ng Pantawid, aktibong miyembro ng gulayan, na magdadag ng mga punong kahoy na pananim.

At nitong Oktubre 9, 2016 ay nagbigay ng mga binhi ang DA sa 18 nanatili pang Level 1 (ayon sa SWDI) na miyembro ng Pantawid sa munisipyo ng Moncada bilang karagdagan pang tulong.

Ang 4 o’clock Reading Habit nama’y proyekto ng guro at mga mag-aaral ng Ramos National High School, sa Ramos, Tarlac, na pawang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya upang matutukan at maturuang magbasa ang ilang mabagal o halos ‘di marunong magbasang mag-aaral ng nasabing paaralan.

Ayon kay Bb. Victoria Banag, English Teacher at Pantawid Coordinator ng paaralan, ang samahan ng mga Pantawid sa paaralan nila ang pinakamadaling i-tap pagdating sa pagtulong sa tutorial ng literacy, dahil, aniya’y karamihan sa kanila ay nangunguna sa klase at kabilang sa top 10.

“Masaya po akong nakakatulong sa mga kapwa ko mag-aaral, bagamat ako ay nag-aaral pa lang din naman, na mapalawak ang kanilang kaalaman, lalo na po sa pagbabasa,” bahagi ni John Lloyd Racho, 16, Grade 10.

Pinaplano ngayon nina Bb. Banag na magdagdag ng mga bagong reading materials at pamamaraan ng pagtuturo para sa mas mabisa at masayang pagkatuto, upang mas lalo pang tumaas ang dati’y 70% tinaas ng bilang ng mga marunong ng magbasa mula sa datos noong nagsimula ang eskwela ngayong taon.

Ang Centenarian nama’y proyekto ng lokal na pamahalaan ng Pampanga, na bigyan ng P100,000.00 ang ang Capampangang aabot sa edad na 95 pataas, sa ilalim ng Ordinance No. 647 series of 2014, alinsunod sa Republic Act No. 10868 or the Centenarians Act of 2016.

Mas pinababa ng limang taon ng lokal na pamahalaan ang idad ng mabibiyayaan ng tinatawag na centenarian gift sapagkat napakadalang na rin ng umaabot sa kanilang ika-100 taon. Ayon kay Governor Lilia Pineda, na s’yang patnugot ng proyekto ay kailangan ito upang maramdaman nila na hanggang sa huli ay nandyan ang gobyerno at mahal sila nito.

“Nagpapasalamat ako, masaya ako. Hindi ko naisip na aabot ako ng ganitong idad at makakakuha pa ng malaking tulong mula sa gobyerno,” ani Nanay Beatriz Susi, 100, years old. Isa si Nanay Beatriz sa humigit kumulang 20 senior citizens na nakatanggap ng P100,00.00 nito lamang Oktubre 11, 2016.

Nagbibigay din ang lokal na pamahalaan ng food assistance sa mga senior citizen, lalo na sa mga bedridden; ito ay kadalasang naglalaman ng limang kilong bigas, canned goods, noodles, at toyo.

Samantalang, ang 4K naman o Kabuhayan, Kaalaman, Kalusugan, Kaayusan ay proyekto ng lokal na pamahalaan ng Licab, Nueva Ecija na nakahalintad sa Programang Pantawid Pamilya at Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD. Ang munisipyo ng Licab ay isa sa mga napabilang sa Set 1 Pantawid area.

Ang 4K ay bahagi ng tinatawag na Municipal Transition Plan (MAP), sapagkat ayon sa naunang panukala, ay mayroon lamang limang taon ang bawat miyembro ng Pantawid na maging benepisyaryo ng programa, na ‘di maglaon nama’y naamyendahan din. Gayunpaman, dahil maganda ang bisyon ng programa ay tinuloy-tuloy na nga rin ito ng lokal na pamahalaan.

Ito ay naglalayong tugunan ang pangangailangan ng mamayan ng Licab na may kinalaman sa Kaayusan, Kalusugan, Kaalaman, at Kabuhayan tulad na lamang halimbawa ng pagbibigay ng babaing kulig sa isang mahirap na tahanan. Kapag ang kuleg na ito’y lumaki—naging inahing baboy at nanganak, kadalasan ang isa o dalawa sa mga anak nito ay ibibigay naman sa isa pang mahirap na tahanan upang sila nama’y magkaroon ng pagkakakitaan kinalaunan.

“Malaking tulong po kasi sa lahat puhunan ang mahirap hanapin. Talagang sa tulong na rin gobyerno at pagsusumikap namin ay makakatapos na ng pag-aaral ang mga anak ko,” bahagi ni Nanay Novie Acosta, Parent-Leader ng Barangay Poblacion Sur, at Presidente ng Samahan ng Kababaihan sa kanilang barangay.

Ang aktibong mga lokal na pamahalaan at mamamayan sa pamamagitan ng kanilang mga proyekto ay katulong ng kagawaran sa pagtupad ng kanyang bisyon at misyon na pagpaunlad ng antas ng lipunan, at pagkamit sa magandang bukas. ### (Andyleen C. Feje)

image_pdfimage_print