Palauig“Naalala ko pa noon, tuwing magpapasukan, ang laging bukambibig ng mga anak ko, ‘ayokong pumasok dahil wala naman akong ganito, ganyan,’ pero ngayon sila na ang nangungulit at nagtatanong kung kelan ang pasukan dahil naka-ready na ang gamit nila,” gunita ni Lenida Caseres, 46, Parent-Leader mula sa Dampay Salaza, isang resettlement area sa Palauig, Zambales.

Mahalagang napupunan ang mga gamit na pangangailangan ng mga bata sa eskwela, hindi lang ito basta luho, ito ay parang mga sandatang baon nilang nagsasabing kahit papano’y ‘handa na akong harapin ang mga pagsubok ng mundo’.

Si Lenida, sampu ng kanyang asawa, si Jerry Caseres, 47, magsasaka, at tatlo pang mga anak ay sinubok ng pagputok ng bulkang Pinatubo noong 1991. Natabunan ang kanilang tirahan, pinagkakakitaan, at pati na rin ang pangarap nilang makaahon sa buhay. Aniya’y tila nalubog ang kanilang pag-asa. At mas lalo lang siyang nanlulumo sa kalagayan nila tuwing aabutan sila ng relief goods. Ang kanilang tahanan ay gawa sa cogon. Kamote at mais ang tanging pantawid nila sa araw-araw, mapa-umaga, tanghali man o gabi. Ang tanging pinagkukuhanan lamang nila ng pera ay ang paggawa ng barbeque stick, na apat na piso lang din naman kada tali. Ang damit nila ay iilan. Lalo na ang uniform ng kaniyang mga anak, iisa lang, kaya kailangang labhan tuwing gabi. Napagkaitan din ng sapin ang kanilang mga paa, at fishnet ang gamit nilang bag. Talamak pa naman noon ang pang-aalipusta sa mga tulad nilang katutubo, Aeta.

Hindi marunong mag-ayos, maligo—pangit ‘yan ang bansag sa kanila. ‘Hoy ang dungis-dungis mo para kanang Aeta,’ kadalasang linya ng mga magulang na nakatira sa low land. “Kaming mga katutubo, lalo na nung unang mga panahon, ay ‘di marunong makisalamuha,” amin niya.

Si Lenida ay pinalad na nakatuntong ng kolehiyo, scholar s’ya noon ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ngunit hanggang first year lang, sapagkat siya ay nag-asawa rin kaagad noong siya ay 18 anyos. Laking hinayang niya nang huli kaya naman mataas ang pangarap niya sa kanyang unica hija si Legie Caseres. Si Legie na noong elementarya ay palaging First Honor, na noong High School ay palaging nasa Top 10, ngunit noong magkolehiyo, pagtuntong nang 16 anyos ay nag-asawa na rin at nagkaanak. Doble ang panghihinayang niya. Lalo lang siyang nawalan ng pag-asa, hanggang doon na lang yata talaga sila, pakiwari niya.

Ngunit, taong 2010, dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Unti-unting nabago ang kanilang buhay, at ang paningin nila sa buhay. “Bilang katutubo at magulang, mahalagang pag-aralin natin ang ating mga anak, ‘wag lang tayo magkulong sa bundok. Ito ang magbibigay lakas ng loob sa ‘tin pati na rin sa ating mga anak na makisalamuha sa mga unat at may pinag-aralan. Noo’y naiinggit lang ako sa mga may anak na naka-graduate na ng kolehiyo, lagi kong pinapanalangin na sana maranasan ko rin iyon.

At dumating pa ang Expanded Students Graint-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) Scholar at naging scholar ang aking panganay na si Legie at magtatapos na ng kolehiyo na may kursong Bachelor of Science in Elementary Education sa Central Luzon State University,” bahagi niya.

Ngayon, ay mas matibay na ang kanilang bahay, gawa na ito sa yero at plywood. Nakapagpundar na rin sila ng lamesa, television, at cellphone. Nakapagpundar na rin sila ng confidence, at magandang imahe. Mas matibay na ngayon ang kanilang kinakipitan na may maganda at masaganang buhay na nakalaan para sa kanila.

Ang pamilya nila ay tinanghal na 2nd place bilang Huwarang Pantawid Pamilya noong 2015. Parehong taon kung Kaylan siya tinanghal na 2nd runner-up bilang Juana, bilang parte ng pagdiriwang Buwan ng mga Kababaihan. At ngayon, Si Lenida ngayon isa nang Day Care Worker. ### (Andyleen C. Feje)

image_pdfimage_print