Sa gitna ng mga pagsubok at hamon ng buhay, ang bawat pangarap ay mayroong simula. Para kay Ednalyn Balbin Madriaga, 48 taong gulang, at residente ng Brgy. Nambalan, Santa Ignacia, Tarlac, ang buhay ay isang mahabang paglalakbay na nasusubok hindi sa bigat ng problema kundi sa tibay ng pananampalataya at sipag ng isang ina.

Bago maging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), labis na pagsubok ang hinarap ng pamilyang Madriaga. Ang kanyang asawang si Bryan ay nagtatrabaho noon bilang isang goldsmith na may sahod na humigit-kumulang P10,000 sa isang buwan. Ngunit sa laki ng pamilyang may anim na anak—kabilang ang isang may espesyal na pangangailangan—laging kulang ang kinikita para sa pagkain at gastusin sa pag-aaral.

Upang makatulong, rumaraket si Ednalyn sa pagtitinda ng gulay at suso na kumikita ng P2,500 kada buwan, at namasukan din bilang kasambahay sa kanilang kapitbahay na may sahod na P5,000 kada buwan. Bagama’t pinagkasya at pinag-ibayo ang pagod, nanatiling mabigat ang pasanin lalo na nang dapuan ng malubhang sakit na meningitis ang kanilang ikalimang anak na si Jewel, na lubhang naapektuhan ang pisikal at mental na kakayahan.

Ayon kay Ednalyn, gumuho ang kanyang mundo nang magkasakit ang anak. Ngunit sa kabila ng sakit at lumbay, hinding-hindi niya kailanman tinanong ang Panginoon kung bakit sila naghirap nang ganoon. Sa halip, ginawa niyang lakas ang pananampalataya at pagmamahal sa pamilya.

Noong Oktubre 21, 2009, opisyal na nakapagtala ang pamilya ni Ednalyn sa ilalim ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR o Listahanan) at naging bahagi ng 4Ps simula noong Marso 8, 2013 (Set 6-C). Malaking ginhawa ang naihatid ng programa sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at edukasyon ng mga bata. Sa tulong din ng Sustainable Livelihood Program (SLP), nabigyan siya ng puhunan para sa kanilang “Backyard Piggery” na nagdagdag-kita sa pamilya.

Ngunit hindi lamang doon nagtapos ang kanyang kwento ng determinasyon. Dahil sa pagpupursigi, nagsimula siya sa AMOR Village bilang gardener at cook hanggang sa mapansin ang kanyang kasipagan at maging isang House Parent. Kahit abala sa trabaho at pamilya, pinagsabay niya ang pag-aaral at paghahanapbuhay hanggang sa makapagtapos ng kursong Bachelor of Elementary Education (BEED) sa St. Paul Colleges of Paniqui, sa suporta na rin ng mga kasamahan sa trabaho at programa.

“Bukod po sa tulong nito (4Ps) sa pag-aaral ng aking mga anak na kung saan nabawasan po ang isipin naming mag-asawa sa school fees ng mga bata eh mas naibibigay na po namin yung mga pangangailangan ng aking mga anak lalo na sa pagkain at pangkalusugan nila. Noong pumasok po ako sa AMOR Village at sa 4Ps, highschool graduate lang po ako pero dahil sa positibo po nilang impluwensya sa akin nagsikap po ako na makapagtapos ng pag-aaral dala na rin po ng suporta ni Ma’am Rowena Apolto (kasalukuyang Center Head ng AMOR Village). Pinagsabay ko yung trabaho at pag-aaral.”

Noong 2024, ginawaran din siya ng Loyalty Award ng DSWD dahil sa kanyang 10 taon ng tapat na paglilingkod.

Ngayon, ang mga hirap noon ay napalitan na ng mga tagumpay. Ang kanyang mga anak ay patuloy na lumalago at tumutulong sa pamilya. Ang panganay niyang si Raymund Ryan, motorcycle mechanic at cook sa kampo ng Armed Forces of the Philippines, si Robert Jone (pangalawang anak) ay goldsmith at delivery boy, Rico Ian (pangatlong anak) ay kasalukuyang 3rd year college sa kursong Bachelor of Elementary Education sa St. Paul College of Paniqui, si Jefferson (pang-apat na anak) ay kasalukuyang 1st year college sa kursong Bachelor of Arts in Economics sa Tarlac Agricultural University, si Jewel (pang-limang anak) ang anak na patuloy nilang inaalagaan nang may buong pagmamahal, at ang bunso na kasalukuyang Grade 8 sa Sta. Ines National High School.

Sa pagtatapos ng kanyang yugto bilang benepisyaryo, buong-pusong inihayag ni Ednalyn ang kanyang pasasalamat sa DSWD at sa mga Municipal Link na gumabay sa kanila. Patunay siya na ang kahirapan ay hindi hadlang upang mangarap, at sa pamamagitan ng tamang suporta, sipag, diskarte, at matibay na pananalig sa Diyos, ang isang pamilya ay tunay na aahon at magtatagumpay. ##