CITY OF SAN JOSE DEL MONTE, BULACAN — Isinagawa ang Validation sa pamamagitan ng Community Assembly para sa Set 14 G at H, kasabay ng USWAG KABENE (4Ps Caravan of Services), sa CSJDM Convention Center, Sapang Palay, City of San Jose del Monte, Bulacan.
Layunin ng aktibidad na maisagawa ang validation ng mga potensyal na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries na maaaring maging bahagi ng target na 4.4 milyong Pamilyang Pantawid, alinsunod sa Republic Act No. 11310 o 4Ps Act. Kasabay nito, isinagawa rin ang paunang oryentasyon hinggil sa programa, mga kondisyon at responsibilidad ng mga benepisyaryo, gayundin ang mga programa at serbisyong hatid ng mga katuwang na ahensya at tanggapan ng pamahalaan.
Sa isinagawang validation, 1,113 potential 4Ps household beneficiaries ang matagumpay na na-validate sa pangunguna ng mga City Links ng CSJDM at Technical Staff ng Provincial Operations Office 2 (POO2) ng SWAD Bulacan.
Mga Serbisyong Inilapit sa mga Pamilya Bilang bahagi ng USWAG KABENE, iba’t ibang programa at serbisyo mula sa mga katuwang na tanggapan ang inilapit sa mga potensyal na benepisyaryo at kanilang pamilya:
Philippine Statistics Authority (PSA) – 250 indibidwal ang nakapagparehistro para sa kanilang National ID.
City Health Office – 24 indibidwal ang nabigyan ng libreng konsultasyon at gamot, bilang bahagi ng pagpapalapit ng serbisyong pangkalusugan sa komunidad.
City Social Welfare and Development Office (CSWDO) – 11 batang may edad 3 hanggang 6 na taong gulang ang matagumpay na na-enroll sa Day Care Program, upang matulungan silang makapaghanda para sa kanilang pormal na pag-aaral.
City Youth, Sports and Development Office – 4 na Grade 12 graduates ang nakapagpalista para sa College Scholarship Grant na ipinagkakaloob ng Lungsod ng San Jose del Monte.
City Agriculture Office – 300 indibidwal ang nabigyan ng libreng seeds at seedlings upang makapagsimula ng kanilang sariling backyard garden at makatulong sa pagkakaroon ng karagdagang mapagkukunan ng pagkain.
City Civil Registry Office – 25 indibidwal ang natulungan sa kanilang mga concern kaugnay ng birth certificate, kabilang ang correction ng maling spelling at proseso para sa late registration.
Sustainable Livelihood Program (SLP) – 11 indibidwal ang nagpalista at nabigyan ng mas malalim na oryentasyon hinggil sa programa, kabilang ang mga oportunidad, proseso, at paraan kung paano maaaring makinabang mula sa mga livelihood assistance at intervention nito.
4Ps Provincial Operations Office 2 (POO2) – 73 indibidwal ang matagumpay na nairehistro sa Basta Beripikado, Mabilis ang Serbisyo (BBM) Serbisyo, na naglalayong mapadali at mapabilis ang paghahatid ng serbisyo at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga kliyente.
City Public Employment Services Office (PESO) – 13 indibidwal ang nakapag-apply para sa mga oportunidad sa trabaho sa Pilipinas at abroad, kabilang ang mga posisyon bilang factory workers.
Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Bulacan – Bilang bahagi ng inisyatiba ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at TESDA na bigyang-prayoridad ang mga 4Ps beneficiaries sa skills training at iba pang oportunidad, isinagawa ang orientation para sa mga anak ng 20 aktibong 4Ps members na Senior High School graduates, gayundin sa mga potential 4Ps beneficiaries.
Pagpapaigting ng Kaalaman sa 4Ps
Sa isinagawang oryentasyon, binigyang-diin ni Ms. Gaudencia M. Tinagan, SWAD Bulacan Team Leader and Provincial Link – POO2 Bulacan, ang mahahalagang kondisyon ng programa, gayundin ang mga dapat at hindi dapat gawin ng mga benepisyaryo.
Kabilang dito ang mahigpit na paalala laban sa pagsasanla ng 4Ps cash card, upang matiyak na ang mga benepisyong ipinagkakaloob ng programa ay mapupunta at magagamit para sa kapakanan ng kwalipikadong pamilya at mga miyembro nito.
Binigyang-diin din niya ang mataas na pagpapahalaga ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa kalusugan at edukasyon ng mga batang miyembro ng pamilya. Hinihikayat ang mga pamilya na tiyaking regular na nakapagpapakonsulta sa health center ang mga batang edad 0–5 taong gulang at mga buntis na miyembro ng pamilya, gayundin ang patuloy na pagpasok sa paaralan ng mga batang nasa school age, bilang pagtupad sa mga kondisyon ng programa.
Sa pamamagitan ng USWAG KABENE, patuloy na inilalapit ng DSWD, katuwang ang mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya, ang iba’t ibang programa at serbisyo sa mga komunidad upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga pamilya.
Hindi lamang validation ang hatid ng aktibidad, kundi isang pagkakataon upang maikonekta ang mga pamilya sa mga serbisyong maaaring makatulong sa kanilang kalusugan, edukasyon, kabuhayan, trabaho, at pangkalahatang kapakanan.
Sa sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad, bawat serbisyo ay nagiging daan tungo sa mas maraming oportunidad at mas maayos na buhay para sa bawat pamilya. ##










