(Photos from DOST-PTRI)
Sa gitna ng mga hamon ng buhay, may mga taong nagsisilbing liwanag at sandigan ng kanilang komunidad. Isa sa mga natatanging halimbawa nito ay si Alegria Domayan, isang dedikadong Parent Leader mula sa Dulong Malabon, Pulilan, Bulacan, na naging simbolo ng pag-asa at serbisyo para sa kanyang mga kapwa 4Ps beneficiaries.
“Kahit na mahirap ang buhay, iniisip ko pa rin na makatulong sa aking kapwa sa abot ng aking makakaya.”
Hindi naging hadlang ang kahirapan sa kanyang pagnanais na umunlad. Mula nang mapabilang sa 4Ps, aktibong nilahukan niya ang iba’t ibang pagsasanay upang madagdagan ang kanyang kaalaman. Kabilang dito ang Roll-out training para sa mga Parent Leaders at Skills Enhancement Training, Meat Processing sa ilalim ng TESDA, at Basic Handloom Weaving NC-II mula sa DOST-DTRI.
Dahil sa kanyang dedikasyon, kinilala siya ng DOST at naging trainer pa siya sa Handloom Weaving sa kanilang bayan. Ang mga natutunan niya ay hindi niya kinimkim; ibinahagi niya ang mga ito sa kanyang mga kasamahan upang mabigyan sila ng karagdagang pagkakakitaan.Hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan. Kinailangan niyang harapin ang matinding pagsubok nang ang kanyang anak ay dumanas ng epilepsy. Sa kabila ng mga nasirang gamit, mga pagwawala, at mga mapanghusgang tingin ng ibang tao, hindi siya sumuko. Sa tulong ng panalangin at matiyagang pag-aaruga, unti-unting nakabawi ang kanyang anak.
Noong pandemya, muli siyang sinubok nang mawalay sa asawang nagtatrabaho sa Samar. Sa gitna ng kawalan ng katiyakan at pangamba sa araw-araw na kakainin, naging matatag siya. “Walang gabi na hindi ako umiiyak sa Diyos,” pagbabahagi niya. Ngunit sa biyaya ng Maykapal, nakaraos sila sa bawat araw.
Bilang Parent Leader sa Dulong Malabon, ang kanyang serbisyo ay hindi matatawaran. Siya ang tumutulong sa mga kasamahan sa pag-aayos ng mga kinakailangang papeles, maging sa panahon ng kalungkutan gaya ng pagkakasakit o pagpanaw ng isang mahal sa buhay. Bukod dito, pinangunahan niya ang proyektong “Pera sa Basura” tuwing Family Development Session (FDS). Ang pondong nalilikom mula sa pagbebenta ng mga plastik at bote ay nagsisilbing tulong pinansyal para sa mga miyembrong nangangailangan.
Ang kanyang layunin ay simple: maging responsableng miyembro ng programa, makatulong sa komunidad, at maging inspirasyon sa iba na huwag tumigil sa pag-aaral at pag-unlad hangga’t hindi pa nakaka-graduate sa programa.
Isang kuwento ng katatagan, serbisyo, at pagmamahal sa kapwa. ##


