“Ang bawat luha ng kahapon ay binigyang saysay ng tagumpay ngayon — patunay na hangga’t may pag-asa, may paraan; at hangga’t may pangarap, may katuparan.”
Mula sa payak na komunidad ng Barangay Sta. Teresita sa Lungsod ng Angeles, ang pamilya ni Susan Villena Calagui ay lumaki sa araw-araw na pakikibaka. Ang kanyang asawa ay minsang nagtatrabaho bilang laborer o kaya ay nagtitinda upang may maiuwi lamang na kakarampot na kita. Sa kabila ng kanilang walang-sawa at matinding pagsisikap, madalas ay hindi pa rin ito sapat upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya.
Kabilang sa kanilang sandigan ang mga kapatid na minsan ding dumamay sa kanilang mga gastusin, ngunit may kanya-kanya na ring pamilyang binubuhay. Para kay Charity V. Calagui, ang bunso sa pamilya, ang pamumuhay sa kahirapan ay tila isang mabigat na pasanin kung saan ang pagkain, pera, at gamot ay madalas na mahirap abutin. Ngunit sa kabila ng panghihina ng loob, hindi niya hinayaang maging hadlang ang kahirapan sa kanyang mga pangarap.
Noong 2012, habang si Charity ay nasa elementarya pa lamang, opisyal na naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang kanilang pamilya. Malaki ang naibsan sa bigat ng kanilang sitwasyon dahil sa cash grants na ginamit para sa pagkain at mga kagamitan sa paaralan. Nagkaroon sila ng akses sa regular na health check-ups at monitoring, habang ang mga bata naman ay nakapag-aral nang tuloy-tuloy. Gabay mula sa FDS: Malalim ang naging epekto ng Family Development Sessions (FDS) kay Susan Calagui. Natutunan niya ang kahalagahan ng responsableng pagiging magulang, wastong nutrisyon, family planning, at tamang pamamahala ng cash grants para sa kapakanan ng pamilya.
Nang tumuntong si Charity sa tamang edad at makapagtapos ng high school, sumabay naman ang pagsubok ng pandemya. Sa puntong iyon, gusto na lamang sana niyang magpahinga at magtrabaho dahil sa pangamba sa matrikula. Subalit mariing pinatibay ng kanyang ina ang kanyang loob: “Hangga’t kaya ka pa naming pag-aralin, grab the opportunity.”
Sa pamamagitan ng mga kwento ng mga nakilala ng kanyang ina mula sa programa ng 4Ps, namulat si Charity sa mundo ng Social Work. Dito sumibol ang kanyang pangarap: ang maging isang social worker upang makatulong din sa mga pamilyang dumaranas ng matitindihang pagsubok.
Ang paglalakbay sa kolehiyo ay hindi naging madali. Puno ito ng mga promissory note, sunod-sunod na utang, at matinding pagod. Ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya at determinasyon, nakapagtapos si Charity sa Systems Plus College Foundation ng kursong Bachelor of Science in Social Work taglay ang karangalang Cum Laude.
Habang papalapit ang board exam, muling sinubukan ang kanyang tibay ng loob. Nilamon siya ng kaba, pagdududa sa sarili, at kawalan ng katiyakan noong panahon ng kanyang OJT. Ngunit binuhat niya ang kanyang mga pangarap gamit ang sakripisyo ng kanyang mga magulang bilang pinakamalakas na inspirasyon.
Sa tulong ng Diyos, ng kanyang pamilya, at ng kanyang matibay na paninindigan, nakamit niya ang kanyang lisensya—isa na siyang Rehistradong Social Worker.
Sa kasalukuyan, ang pamilya Calagui ay nasa Level 2 na ng kanilang antas ng kabuhayan. Ang kwento ni Charity ay patunay na ang kahirapan ay hindi kailanman magiging katapusan ng isang kwento, kundi simula lamang ng mas matatag na bukas.
“I’m proud to say, ‘Hindi hadlang ang kahirapan para maabot mo ang iyong pangarap. Kahit mahirap ang buhay, hindi imposible ang mangarap.’ All the struggles were worth it. All by His grace.”, Ani ni Charity. ##

