Ang pagtatapos sa 4Ps ay hindi pagtatapos ng suporta, ito ay simula ng mas matatag na kinabukasan.

Subic, Zambales – Ipinagdiwang ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Subic at iba’t ibang partner agencies ang Pugay Tagumpay 2026 at Caravan of Services, bilang pagkilala sa 294 na pamilyang 4Ps na matagumpay na nakaabot sa antas ng self-sufficiency at handa nang tahakin ang panibagong yugto ng kanilang buhay.

Hindi lamang naging pagdiriwang ang okasyon, kundi isang makabuluhang pagkakataon upang matiyak na ang mga nagtapos na benepisyaryo ay patuloy na magkakaroon ng akses sa mga programa at serbisyong makatutulong sa pagpapanatili ng kanilang kabuhayan at pag-unlad.

Sa pamamagitan ng Caravan of Services, iba’t ibang ahensya at organisasyon ang naghatid ng mga serbisyong pangkalusugan, pangkabuhayan, pang-edukasyon, pangkabuhayang pinansyal, at iba pang social protection interventions. Kabilang sa mga naging katuwang sa aktibidad ang Municipal Health Office, Sustainable Livelihood Program (SLP), PREDA Foundation, Palawan Pawnshop, Philippine Statistics Authority (PSA), Alternative Learning System (DepEd-ALS), Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), POPCOM, Department of Trade and Industry (DTI), JEDSIE, ACTION Inc., PhilHealth, Generika Drugstore, Kazama Grameen, at ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).

Ang kanilang sama-samang paglilingkod ay nagbigay ng libu-libong serbisyo sa mga benepisyaryo sa iisang lugar. Ang aktibidad na ito ay sumasalamin sa tunay na diwa ng konberhensiya, kung saan ang pamahalaan at mga katuwang na institusyon ay nagkakaisa upang matiyak na ang bawat pamilyang nagtapos sa 4Ps ay hindi lamang kinikilala ang kanilang tagumpay, kundi patuloy ding sinusuportahan sa kanilang paglalakbay tungo sa isang mas matatag, produktibo, at maunlad na kinabukasan.

Mabuhay ang ating 294 Pugay Tagumpay Graduates! Nawa’y maging inspirasyon ang inyong kwento ng pagsisikap at katatagan sa marami pang pamilyang Pilipino. ##