“Hanggat may isip na handang matuto, pusong handang magsikap, at pangarap na handang abutin, mayroong pag-asa.” — Jerby Odero (Former 4Ps Monitored Child)

Santa Cruz, Zambales – Isang makabuluhang yugto ang ipinagdiwang sa Pugay Tagumpay Ceremony ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ang kanilang pagtatapos sa programa ay hindi lamang pagtatapos ng isang kabanata, kundi pagsisimula ng panibagong paglalakbay tungo sa mas matatag, mas produktibo, at mas maunlad na kinabukasan.

Sa paglipas ng mga taon, naging katuwang ng 4Ps ang mga pamilya sa pagpapalakas ng kanilang kakayahan sa pamamagitan ng edukasyon, kalusugan, at iba pang serbisyong panlipunan. Ngayon, buong pagmamalaking kinikilala ang kanilang pagsusumikap at katatagan bilang mga pamilyang handa nang magpatuloy sa susunod na yugto ng kanilang buhay.

Bilang simbolo ng patuloy na suporta, lumagda sa Commitment Board ang Lokal na Pamahalaan ng Santa Cruz, mga katuwang na ahensya at organisasyon bilang pagpapatibay ng kanilang pangakong ipagpapatuloy ang pagbibigay ng mga programa, oportunidad, at serbisyo para sa mga nagtapos na benepisyaryo.

Ipinakikita nito na ang pagtatapos sa 4Ps ay hindi pagtatapos ng malasakit, kundi pagpapatuloy ng sama-samang pagkilos para sa pangmatagalang pag-unlad ng bawat pamilya.

Sa lahat ng ating Pugay Tagumpay Graduates, dalhin ninyo ang mga aral, pagpapahalaga, at determinasyong inyong nabuo sa inyong paglalakbay. Nawa’y magsilbi kayong inspirasyon sa iba pang pamilyang patuloy na nagsisikap na makamit ang isang mas maayos at masaganang kinabukasan.

Mabuhay ang ating mga Pugay Tagumpay graduates! Ang inyong tagumpay ay patunay na sa tamang pagkakataon, sapat na suporta, at sariling pagsisikap, ang pag-asa ay nagiging realidad. ##