Moncada, Tarlac – Isinagawa ang Paggabay sa Pag-unlad ng Pamilyang Pantawid: Caravan of Services cum General Assembly 2026 for Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Beneficiaries na may temang “Sama-samang Kumilos, Sama-samang Umunlad, Sama-samang Magtagumpay” na dinaluhan ng humigit-kumulang na 1,631 na benepisyaryo ng 4Ps na mula sa iba’t ibang barangay sa bayan.

Ang aktibidad na ito ay sinimulan sa pagbibigay ng mensahe ng suporta at welcome remarks mula kay Gng. Mildred G. Arciaga, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), na sinundan naman ni Hon. Ramon Benito M. Aquino, Municipal Mayor ng bayan, na kung saan siya ay nagbigay ng mensahe at inspirasyon para sa mga benepisyaryo upang pagbutihin nila ang kanilang mga buhay para umunlad. Bukod dito, nagbigay din ng maikling mensahe si Bb. Karen Alvarado, Provincial Team Leader ng DSWD Field Office 3 SWAD Tarlac, siya rin ay nagbigay ng suporta para sa lahat ng benepisyaryo na sama-samanag umunlad. Bilang panghuli, nagbigay din ng mensahe si Gng. Daisy I. Madrid, Provincial Link ng 4Ps, binabati niya ang mga benepisyaryo sa pagdalo sa malaking aktibidad na ito.

Ang Caravan of Services na ito ay dinaluhan ng iba’t ibang partner agencies na mula sa National Government Agencies, Local Government Agencies, at mga Civil Society Organizations/Private Sectors. Bawat institusyon ay nagbahagi ng kani-kanilang mga programa at serbisyo. Narito ang mga programa ng mga dumalong partner agencies at kanilang mga naibahagi para sa mga benepisyaryo:

1. MSWDO – ipinaliwanag ni Gng. Mildred G. Aciaga, MSWD Officer, ang programa para sa mga Senior Citizens sa LGU at sa National Office: paano sila makakapagparehistro at kung anu-ano ang kanilang mga benepisyo na matatanggap. Ipinaliwanag din nila kung paano kumuha ng solo parent ID, PWD ID, medical assistance, burial assistance, at educational assistance at scholarship program.

2. Public Employment Service Office, ipinaliwanag naman ni Bb. Alexandra Gail Arrelano ang mga handog na trabaho para sa mga naghahanap ng mga maayos at magandang hanapbuhay para sa mga benepisyaryo ng bayan. Dito, binanggit din niya ang Community-Based Training (CBT) ng opisina na kanilang ibinibigay para makatulong sa mga ito na magagamit nila sa kanilang panghahanapbuhay. Dahil dito, may 18 na mga benepisyaryo ang nagpalista para sa CBT at NC II training.

3. Municipal Agriculture Office (MAO), nagbigay ng paliwanag si G. Eduardo D. Balgos, Jr. ukol sa tamang pagpupunla at pagtatanim ng mga gulay at kaniya ring ipinaliwanag ang kagandahan ng pagtatanim ng mga gulay. Hinikayat din niya ang mga benepisyaryo na magkaroon ng gulayan sa bakuran upang kanilang maani bilang pagkain at maaari rin nilang gawing pangkabuhayan. Dahil dito, binigyan nila ng mga seeds ang mga benepisyaryo na kung saan may 210 ang mga nabigyan at may 2 benepisyaryo naman ang nagpabakuna sa kanilang mga alagang aso.

4. Municipal Environmental and Natural Resources Office (MENRO), Si Gng. Si Wilma D. Balgos ay kaniyang ipinaliwanag ang tamang pag-aalaga ng kapaligiran, tamang pagtatapon ng basura na siyang sanhi ng pagbaha sa bayan ng Moncada kapag tag-ulan. Dahil dito, ipinaliwanag niya na ang magandang proyekto ng MENRO ay ang “Plastic Palit Bigas” na kung saan ang dalawang kilong plastic bottles ay katumbas ng isang kilong bigas. Isinagawa ang proyektong ito sa mismong araw ng caravan of services na kung saan may 41 benepisyaryo ang nakilahok sa proyekto ng MENRO.

5. Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), ipinaliwanag ni Bb. Francess Mabbarang ang tamang gagawin sa araw ng kalamidad lalo na kapag may mga bagyo. Dito ay kaniyang idinatalye ang mga dapat na ihanda sa tuwing darating na kalamidad at kung saan sila maaaring magpuntang ligtas na mga lugar na inihanda ng bayan ng Moncada.

6. Municipal Health Office (MHO), ipinaliwanag ni Gng. Janelle Vadez ang kabutihan ng pagdalo sa health facilities at magkaroon ng regular check-ups dahil dito makikita kung may dinaramdam o sakit ang isang tao. Bukod pa dito, sa pangunguna ni Dr. Peter Louie Tamayo, siya ay nagsagawa ng libreng check-up para sa mga benepisyaryo at namigay ng mga libreng gamot. May kabuuang bilang na 181 ang nabigyan ng libreng kunsulta at 181 din ang mga nabigyan ng libreng gamot mayroon ding total na 115 na benepisyaryo ang kanilang na-rehistro para sa Yakap Program Provider.

7. Local Civil Registrar Office (LCRO), idinatalye ni Bb. Joyce Marie Andres, ang mga dapat na gawin kung may mga maling nailagay sa mga birth certificate. Ipinaliwanag nila dito ang mga hakbang na dapat nilang gawin upang maitama ang kanilang mga birth certificate. May 55 na benepisyaryo na kanilang binigyan ng tulong para maitama ang kani-kanilang birth certificate.

8. DSWD-Sustainable Livelihood Program, Ipinaliwanag ni G. Renz Joseph Perez, PDO II, ang pagbibigay ng Sustainable Livelihood Program para sa mga benepisyaryo, na kung saan kaniyang sinabi na tinuturuan nila ang mga benepisyaryo na kumita. Dahil dito may dalawang association ang nabigyan ng SLPA, formal nila itong ibinigay sa araw ng Caravan of Services ito ay ang SLPA ng Brgy. Sta. Maria at Brgy. Santa Lucia ay may tig-16 na miyembro. Bukod pa dito, may 50 aplikante ang nailista para sa SLPA.

9. DepEd Alternative Learning System, ipinaliwanag ni G. Rowel Evangelista ang kahalagahan ng makapagtapos ng pag-aaral at ng pagkakaroon ng diploma, dahil ito ang maaari nating magamit upang makahanap ng maayos at magandang hanapbuhay. Kaniya ring ipinaliwanag na tuloy-tuloy ang kanilang pagtanggap para mag-aral sa pamamagitan ng ALS. Dahil dito may mga nag pa-enroll para ALS, may 5 benepisyaryo ang nagpa enroll para sa Senior High School, 8 naman para sa Junior High School, at 1 para sa Elementary.

10. ASKI, ipinaliwanag ni G. Michael Austria kung ano ang ASKI at kung anu-ano ang mga programa at serbisyo na maaari nilang ibahagi para sa mga benepisyaryo. Dito ipinaliwanag ang kahalagahan ng pagkakaroon ng life insurance ng mga benepisyaryo at ng pagbubukas ng savings account upang sila ay makapag-ipon. Nabanggit din na maaari silang makapagbigay ng employment opportunity para sa mga kwalipikadong benepisyaryo. Dahil dito may 6 na benepisyaryo ang nagbukas ng saving account at ang mga iba ay sa mga darating na Family Development Session.

11. PhilHealth Tarlac, ipinaliwanag ni Bb. Princess Tababa ang kahalagahan ng makapagparehistro sa PhilHealth at sa kanilang Yakap Program, sapagkat makakatulong ito sa bawat pamilya ng mga benepisyaryo upang kanilang magamit para sa kanilang kalusugan. Dahil dito, may 19 na benepisyaro ang mga na-rehistro para sa PhilHealth at Yakap Program at 145 naman ang mga nabigyan ng PhilHealth ID at MDR.

12. Manmover Specialist, Inc., ipinaliwanag ni Bb. Eugene Estavillo ang mga job opportunity ng kanilang opisina at kaniya ring ibinahagi ang mga kasalukuyang job hiring nila at kung saan maaaring ma-deploy kung natanggap sa trabaho. Ibinigay din niya ang mga requirements at qualifications para sa kanilang job hiring.

13. Department of Trade and Industry (DTI), ipinaliwanag naman ni Gng. Maria Divina Gloria Ramos ang mga hatid na programa at serbisyo ng ahensya para sa mga benepisyaryo. Kanilang ipinaliwanag ang mga business orientation and training na puwede nilang ibigay para sa mga benepisyaryong nagnanais na matuto upang magkaroon ng negosyo. Kanila ring ipinaliwanag ang Consumer Protection upang makapagbigay ng kaalaman sa lahat ng mga consumer gaya ng mga benepisyaryo. Dahil dito, nabigyan ng kaalaman ang mga benepisyaryo. Sa isinagawang Paggabay sa Pag-unlad ng Pamilyang Pantawid: Caravan of Services cum General Assembly 2026 for 4Ps Beneficiaries sa bayan ng Moncada, Tarlac ay may kabuuang bilang na 1,036 na mga nabigyan ng serbisyo ng ating mga Partner Agencies.

Ang mga ganitong aktibidad ay malaking tulong para sa mga benepisyaryo upang mabigyan sila ng magandang kinabukasan. ##