Isinagawa ang Alternative Learning System (ALS) Graduation Ceremony sa mga bayan ng San Miguel at Marilao, Bulacan, kung saan 68 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nagsipagtapos.

Kabilang dito ang 59 na nagtapos sa ALS Junior High School at 9 na nagtapos sa ALS Senior High School, na binubuo ng mga 4Ps grantees, dating Child Not Attending School (CNAS), at iba pang miyembro ng kanilang mga sambahayan.

Layunin ng programang ito na mabigyan ng ikalawang pagkakataon ang mga magulang at kabataang hindi nakapagtapos ng pormal na edukasyon upang maipagpatuloy at makumpleto ang kanilang pag-aaral.

Sa pamamagitan nito, nabibigyan sila ng pagkakataong matupad ang kanilang mga pangarap, mapalawak ang kanilang oportunidad sa mas maayos na hanapbuhay, at higit na mapaunlad ang kalidad ng buhay ng kanilang mga pamilya.

Ang Lapis at Papel ng Municipal Operations Office ng San Miguel at Project Alpha ng Municipal Operations Office ng Marilao ay mga inisyatibong naglalayong tugunan ang suliranin ng mga Out-of-School Youth (OSY) at mga magulang na hindi nakapagtapos ng pag-aaral.

Sa pamamagitan ng mga proyektong ito, nabibigyan sila ng pagkakataong makamit ang kanilang diploma na magsisilbing daan tungo sa mas magandang oportunidad sa trabaho at mas matatag na kabuhayan para sa kanilang mga pamilya.

Naging matagumpay ang mga proyektong ito dahil sa matibay na pagtutulungan at koordinasyon ng DSWD Field Office 3 at ng Department of Education – Alternative Learning System (DepEd-ALS). Ang kanilang sama-samang adhikain ay patunay na ang edukasyon ay nananatiling susi sa pag-angat ng antas ng pamumuhay at sa pagbibigay ng pag-asa sa bawat pamilyang Pilipino.

Patuloy na isinusulong ng DSWD ang mga programang nagbibigay ng oportunidad para sa pagkatuto, pag-unlad, at mas magandang kinabukasan ng bawat benepisyaryo, sapagkat naniniwala itong ang bawat tagumpay ay nagsisimula sa pagbibigay ng pagkakataon. ##