PORAC, PAMPANGA – Sa loob ng dalawang magkasunod na araw, pinangunahan ng DSWD Field Office 3 Municipal Action Team katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), ang pagsasagawa ng isang Mental Health and Stress Management Seminar at cooking show competition na nilahukan ng mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) fathers kasama ang kanilang mga anak.

Sa magkaibang paraan, kapwa itinampok ng dalawang aktibidad ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng mga ama sa buhay ng kanilang pamilya. Tinalakay ang kahalagahan ng mental health at mga epektibong paraan ng pagharap sa stress, habang nabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong magbahagi ng kanilang mga karanasan at matuto mula sa isa’t isa.

Samantala, sa cooking show competition, nasubok ang pagtutulungan at komunikasyon ng bawat mag-ama habang magkasamang naghahanda ng pagkain, na naging pagkakataon din upang makabuo ng mas maraming makabuluhang alaala bilang pamilya.

Magkaiba man ang naging tema ng bawat gawain, iisa ang mensaheng nais nitong ipabatid. Ang pagiging mabuting ama ay hindi lamang nasusukat sa kakayahang magtaguyod ng pamilya, kundi pati sa pagbibigay ng oras, pag-unawa, paggabay, at pangangalaga sa sariling kalusugan upang mas magampanan ang kanilang mahalagang papel sa tahanan.

Sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, patuloy na isinusulong ng DSWD ang mga programang nagbibigay ng suporta sa mga pamilya at nagtataguyod ng mas matatag na samahan at mas maayos na kalusugang pangkaisipan. ##