Mula sa isang payak na pamumuhay bilang barberong nagsisikap para sa pamilya at aktibong lingkod ng simbahan, hindi inakala ni Harjay na darating ang pagkakataong magiging bahagi siya ng isang programang magpapabago hindi lamang sa kanyang pananaw kundi pati sa kanyang tiwala sa sarili at kakayahang mamuno. Bilang Owner at Manager ng Kuya Harjay Barbershop mula pa noong 2004, naging sentro ng kanyang araw-araw na buhay ang paghahanapbuhay at paglilingkod sa komunidad. Tahimik at simple lamang ang kanyang pamumuhay noon, walang inaasahang malaking pagbabago, hanggang sa dumating ang programa sa kanilang barangay.

Noong Marso 2025, napili siyang maging BDC-TWG Chair—isang responsibilidad na hindi niya hinangad ngunit buong pusong tinanggap. Ayon sa mga konsehal ng barangay, nakita nila kay Harjay ang disiplina, tiyaga, at kakayahang mamuno, pati na rin ang pagiging bukas niya sa tungkulin at paglilingkod. Bilang isang aktibong lider sa simbahan, nakilala rin siya bilang taong mapagkakatiwalaan at handang tumulong sa komunidad.

Sa pagpasok niya sa programa, unti-unti niyang naranasan ang mga pagbabagong hindi niya inaasahan. Isa sa pinakamahalagang tungkulin niya ay ang pagpapatotoo sa konstruksyon ng school building sa kanilang baryo—isang proyektong hindi lamang imprastraktura kundi simbolo rin ng pag-asa para sa mga kabataan. Para kay Harjay, ang pagkakataong ito ay higit pa sa simpleng boluntaryong gawain; ito ay isang pagkakataong makapaglingkod at makapagbigay ng makabuluhang ambag sa kanilang komunidad.

Hindi naging madali ang kanyang paglalakbay tungo sa pag-unlad. Isa sa mga pinakamalalaking hamon para sa kanya ay ang humarap sa publiko dahil sa kanyang mahinang boses at makipag-ugnayan sa mga opisyal ng munisipyo at mga propesyonal. Mula sa pagbibigay ng closing message sa groundbreaking ceremony hanggang sa pagdalo sa mga pagpupulong, natutunan niyang lampasan ang kanyang hiya at pagdududa sa sarili. Sa proseso, mas lumawak din ang kanyang kaalaman tungkol sa construction at bidding process, pati na rin sa mga teknikal na detalye ng proyekto.

Malaki ang naitulong ng programa sa pagpapalawak ng kanyang pananaw at kakayahan. Natutunan niyang makipagtrabaho sa iba’t ibang propesyon, lalo na sa mga engineer at iba pang eksperto na dati ay ikinahihiya niyang lapitan. Sa bawat karanasan, unti-unting nahubog ang kanyang kumpiyansa sa sarili at kakayahang makipagkomunikasyon. Ang dating tahimik lamang at nag-aatubiling magsalita ay naging mas bukas, mas matatag, at mas handang mamuno.

Bagaman walang katumbas na sahod ang kanyang pagiging boluntir, para kay Harjay ay hindi pera ang tunay na sukatan ng kanyang naging ambag. Ang pinakamahalagang gantimpala para sa kanya ay ang tiwalang ibinigay ng komunidad. Hindi biro ang mapiling mangasiwa sa isang proyektong nagkakahalaga ng ₱10 milyon, at para sa kanya, ito ay patunay ng integridad at responsibilidad na nakita sa kanya ng mga tao.

Maaaring wala siyang materyal na naipundar mula sa programa, ngunit higit na mahalaga ang naitulong nito sa kanyang pagkatao. Tumaas ang kanyang kumpiyansa sa sarili, nahasa ang kanyang kakayahang mamuno, at mas naging mahinahon at positibo ang kanyang pananaw sa buhay. Natutunan din niyang maging mas bukas sa pakikipagtulungan at mas maniwala sa sarili niyang kakayahan.

Sa lahat ng kanyang naging karanasan, ang pinaka-pinagmamalaki niya ay ang pagiging bahagi ng pagpapatayo ng paaralan sa kanilang barangay at ang pagiging BDC-TWG Chairman ng pinakaunang proyekto ng KALAHI sa kanilang baryo. Para kay Harjay, ang proyektong ito ay hindi lamang gusali kundi isang daan upang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga batang nangangarap.

Naniniwala siya na napakahalaga ng mga programang tulad nito dahil nagbibigay ang mga ito ng pag-asa, inspirasyon, at pagkakataong umunlad hindi lamang ang komunidad kundi maging ang bawat indibidwal na kalahok. Kaya naman para sa mga kapwa Pilipinong may pagkakataong maging bahagi ng ganitong programa, simple ngunit makahulugan ang kanyang mensahe: huwag magdalawang-isip na tumulong at makilahok, sapagkat ang bawat oras, pagsisikap, at serbisyong iniaalay ay may malaking ambag sa ikabubuti ng buong komunidad.

Written by: Aaron C. Gonzales
Edited by: Marck Jervhine P. Cabase