Sa patuloy na pagtutulungan ng DSWD Field Office 3 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Provincial Operations Office (POO) – Aurora, Provincial Government of Aurora, sa pamumuno ni Governor Hon. Isidro P. Galban, at ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pangunguna ni Ms. Abigaiel F. Paulino, matagumpay na isinagawa ang Provincial Search for Huwarang Pantawid Pamilya 2026.

Ang Provincial Search for Huwarang Pantawid Pamilya ay isa sa mga Good Practices ng Provincial Government at ng 4Ps POO. Layunin nitong kilalanin at bigyang-pugay ang mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps na nagsisilbing mabuting halimbawa sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng responsableng pagiging magulang, pagpapahalaga sa edukasyon at kalusugan ng mga anak, matatag na samahan ng pamilya, at aktibong pakikilahok sa mga programa ng pamahalaan.

Bilang bahagi ng proseso ng pagpili, nagsagawa muna ng field validation, kung saan personal na binisita ang bawat kalahok sa kanilang tahanan at komunidad upang magsagawa ng panayam at mapatunayan ang kanilang mga naging tagumpay at mabubuting gawain. Matapos nito, isinagawa ng mga hurado ang desk validation upang masusing suriin ang mga resulta at matukoy ang mga karapat-dapat na tanghaling Huwarang Pantawid Pamilya 2026.

Ang mga hurado ay binubuo nina Mr. Tristan P. Porbido, Social Welfare Officer I at 4Ps Focal Person ng PSWDO Aurora; Ms. Joanne R. Mateo, Provincial Link; at Mr. Jay Lee V. Embile, Institutional Partnership Development Officer.

Ang mga kinatawan ng walong (8) munisipalidad ng lalawigan ay sina:

• Baler – Pamilya ni Medy A. Bernardino

• Casiguran – Pamilya ni Lunining S. Torre

• Dilasag – Pamilya ni Rithcel P. Calusa

• Dinalungan – Pamilya ni Windy V. Flora

• Dingalan – Pamilya ni Aila E. Tena

• Dipaculao – Pamilya ni Rubylita C. Nidoy

• Maria Aurora – Pamilya ni Marilyn D. Donato

• San Luis – Pamilya ni Roselyn C. Cuerdo

Matapos ang masusing ebalwasyon, itinanghal ang mga nagwagi:

  • Best Pamily Picture and Caption – Pamilya ni Aila E. Tena (Dingalan)
  • Best Success Story – Pamilya ni Rithcel P. Calusa (Dilasag)
  • Resilience Family Award-Pamilya ni Aila E. Tena (Dingalan)
  • Best Portfolio -Pamilya ni Marilyn D. Donato (Maria Aurora)

Itinanghal na 3rd Place – Pamilya ni Rubylita C. Nidoy (Dipaculao), 2nd Place – Pamilya ni Rithcel P. Calusa (Dilasag), at Huwarang Pantawid Pamilya 2026 – Pamilya ni Marilyn D. Donato (Maria Aurora).

Ang mga nagwagi ay tatanggap ng pagkilala at mga gantimpala mula sa Provincial Government of Aurora sa pamamagitan ng PSWDO bilang pagkilala sa kanilang pagiging huwaran at inspirasyon sa kapwa pamilya. Patunay ang Huwarang Pantawid Pamilya 2026 na ang matatag na pamilya ang pundasyon ng isang maunlad na komunidad.

Nawa’y magsilbi itong inspirasyon sa iba pang mga pamilya na patuloy na magsikap, magkaisa, at maging katuwang sa pagtataguyod ng mas magandang kinabukasan para sa bawat batang Pilipino. ##