Clark, Pampanga – Nakiisa ang mga kinatawan ng DSWD Field Office 3 – SWAD Nueva Ecija Provincial Operation Office 1 sa seremonya ng pagtatapos ng mga iskolar ng La Rose Noire Foundation Training Center.

Dinaluhan ito nina Provincial Link Marites P. Javate kasama ang mga kawani ng DSWD. Ang kanilang pagdalo ay sumasalamin sa matatag at patuloy na ugnayan ng DSWD at La Rose Noire Foundation sa pagbibigay ng mga oportunidad sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Higit sa lahat, ito ay bilang suporta at pagkilala sa limang (5) iskolar na matagumpay na nagtapos ng anim (6) na buwang libreng pagsasanay sa Baking and Pastry at Barista. Kabilang sa mga nagsipagtapos ang mga 4Ps monitored children na sina Arabelle Lorenzo Viloria, na tumanggap ng Best in Making Petit Fours; Arianne Raon Carpio, na ginawaran ng Best in Pastry Making at Best in Latte Art Making; at John Ivan De Guzman kasama ang dalawa pang mga scholars na mula rin sa Quezon, Nueva Ecija.

Bukod sa kanilang pagtatapos, matagumpay din nilang naipasa ang competency assessment at ganap na mga National Certificate II (NC II) holders.

Sa kasalukuyan, inihahanda na rin sila para sa kanilang employment sa pamamagitan ng mga partner hotel at partner agency ng La Rose Noire Foundation.

Ang tagumpay na ito ay patunay na sa pamamagitan ng matibay na pagtutulungan ng DSWD at ng mga institutional partners nito, mas maraming benepisyaryo ang nabibigyan ng pagkakataong magkaroon ng kasanayan, disenteng trabaho, at mas magandang kinabukasan para sa kanilang pamilya. ##