San Miguel, Bulacan – Matagumpay na isinagawa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Municipal Operations Office ng San Miguel ang Barangayan and Caravan of Services para sa mga benepisyaryong magsisipagtapos sa programa ngayong taon.

Sinimulan ang aktibidad sa isang Tree Planting Activity sa Masalipit Dam kung saan nakiisa ang mahigit 100 Parent Leaders, aktibong benepisyaryo, at mga exiting beneficiaries ng 4Ps. Naging posible ang gawaing ito sa pakikipagtulungan ni Mr. Wilfredo P. Santos, Head ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), bilang bahagi ng pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapaunlad ng komunidad.

Matapos ang tree planting activity, pormal na binuksan ang Caravan of Services sa Ricardo C. Silverio Sr. Multipurpose Center, na dinaluhan ng iba’t ibang partner agencies at civil society organizations na naghatid ng mga serbisyong makatutulong sa patuloy na pag-unlad ng mga benepisyaryo at kanilang pamilya.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ay ang mga sumusunod:

  • Alternative Learning System (ALS) – Matagumpay na nakapag-enroll ang 38 benepisyaryo upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at makamit ang kanilang mga pangarap.
  • Public Employment Service Office (PESO) – Nagsagawa ng on-the-spot Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) skills training sa buchi at empanada-making para sa 25 exiting beneficiaries upang mapalawak ang kanilang mga oportunidad sa kabuhayan.
  • Commission on Population and Development (CPD/POPCOM) – Nagbigay ng Family Planning Seminar at libreng contraceptives para sa 37 benepisyaryo bilang suporta sa responsableng pagpapamilya.
  • Yoda Metal and Crafts Production (CSO) – Namahagi ng school supplies para sa 72 daycare at kindergarten learners na kabilang sa mga pamilyang 4Ps.
  • Municipal Nutrition Action Office (MNAO) – Nagbigay ng pregnancy kits, lactation kits, masustansyang pagkain at inumin para sa 95 benepisyaryo.
  • Municipal Agriculture Office (MAO) – Namahagi ng libreng vegetable seedlings at mga binhi sa 300 benepisyaryo upang hikayatin ang backyard gardening at food security.
  • Municipal Health Office (MHO) – Nagkaloob ng libreng bitamina at mga gamot para sa matatanda at kabataan para sa 300 benepisyaryo.
  • Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) – Namahagi ng fruit-bearing seedlings at nagsagawa ng programang “Trash to Cash, Trash to Food,” kung saan maaaring ipalit ng mga benepisyaryo ang mga recyclable materials gaya ng plastik at bote sa pagkain o salapi. Umabot sa 100 benepisyaryo ang aktibong nakilahok sa programa.
  • Palawan Express Insurance – Nagbigay ng libreng insurance coverage sa 88 magsisipagtapos na benepisyaryo na may kakulangan pa sa social insurance, batay sa isinagawang assessment ng mga Municipal Link. Ang serbisyong ito ay libreng ipinagkaloob sa tulong ni Mayor John A. Alvarez.

Ang matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad na ito ay bunga ng matatag na koordinasyon, pakikipagtulungan, at sama-samang adhikain ng Municipal Operations Office ng San Miguel, Bulacan, kasama ang mga partner agencies, Civil Society Organizations, at lokal na pamahalaan na patuloy na naglilingkod para sa kapakanan at pag-unlad ng bawat pamilyang Pilipino.

Patunay ang gawaing ito na ang pagtatapos sa 4Ps ay hindi katapusan, kundi simula ng mas matatag, mas maunlad, at mas produktibong kinabukasan para sa bawat benepisyaryo. ##