La Paz, Tarlac – Upang ipaunawa sa mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Parent Leaders ang kahalagahan ng pagkakapantay-pantay ng bawat isa sa lipunan, isinagawa ang Juana Speaks: A Gender Sensitivity Training for Parent Leaders.

Ang nasabing Gender Sensitivity Training ay inisyatibo ng DSWD Field Office 3 Municipal Action Team at ng Municipal Social Welfare Development Office.

Layunin din ng pagsasanay na ito na mapalawak ang kamalayan at buksan ang kaisipan ng mga Parent Leaders ukol sa mga isyung pangkasarian (gender issues) at wakasan ang mga maling paniniwala sa lipunan at magtaguyod ng pagkakapantay-pantay at turuan ang bawat isa na makita ang kahalagahan ng parehong karapatan, oportunidad, at respeto para sa lahat, anumang kasarian. Bukod pa rito, upang makapagbigay din ng lakas na maging boses at ehemplo ng pagbabago sa kani-kanilang mga barangay.

​Isang malaking hakbang ito tungo sa isang inklusibo, ligtas, at may pagrespetong komunidad. Ang pagsasanay din na ito ay isang hakbang upang maging katuwang ng lungsod at ng kani-kanilang mga barangay ang mga Parent Leaders na maibahagi sa iba ang mga natutunan nila upang maiwasan ang mga hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. ##