PILAR, BATAAN – Patuloy ang pagpapalakas ng kabuhayan at kakayahan ng mga Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Parent Leaders sa pamamagitan ng iba’t ibang programang pangkabuhayan at skills training na naglalayong magbigay ng dagdag na oportunidad para sa kanilang mga pamilya.

Isinagawa ang Beaded Bonsai Skills Training para sa 40 Parent Leaders sa bayan. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Municipal Operations Office – Pilar, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at Department of Trade and Industry (DTI) Negosyo Center, nabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong matutuhan ang paggawa ng beaded bonsai bilang posibleng dagdag na pagkakakitaan.

Sa isinagawang pagsasanay, nahasa ang kanilang kakayahan sa malikhaing paggawa ng produkto na maaari nilang magamit bilang panimula sa maliit na kabuhayan upang makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Higit pa rito, binigyang-diin din sa aktibidad ang kahalagahan ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng iba’t ibang ahensya upang maisulong ang mga programang nagbibigay ng pangmatagalang oportunidad sa komunidad.

Ipinakita ng aktibidad na sa pamamagitan ng pagtutulungan at tuloy-tuloy na suporta mula sa mga katuwang na ahensya, mas napapalakas ang kakayahan ng mga benepisyaryo na maging produktibo, masinop, at handa sa pagbuo ng mas maayos at masaganang kinabukasan para sa kanilang mga pamilya. ##