PILAR, BATAAN — Bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta sa sustainable livelihood at paghahanda sa mga pamilyang naka-exit na sa programa ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), isinagawa ang pagsasanay sa Basket-Making gamit ang mga recycled materials, na nilahukan ng 57 exited beneficiaries na binigyang-prayoridad sa ilalim ng programang TUPAD (Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers).

Layunin ng naturang pagsasanay na higit pang mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga benepisyaryo sa paggawa ng mga produktong maaaring pagkakitaan gamit ang mga recyclable materials.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mabibigyan sila ng alternatibong mapagkukunan ng kita at oportunidad upang makapagsimula ng maliit na kabuhayan sa kanilang komunidad. Hindi lamang pinansyal na suporta ang natatanggap ng mga kalahok mula sa programa, kundi pati na rin ang mga praktikal na kasanayan at kaalamang maaari nilang magamit bilang pundasyon ng kanilang pangmatagalang kabuhayan, lalo na ngayong sila ay naka-exit na sa programa ng 4Ps. Ang ganitong inisyatibo ay nagsisilbing mahalagang hakbang upang mapanatili ang kanilang kakayahang maging produktibo at self-sufficient kahit matapos ang kanilang pagiging benepisyaryo.

Ipinapakita rin ng aktibidad ang matibay na ugnayan at suporta ng lokal na pamahalaan ng Pilar, katuwang ang Public Employment Service Office (PESO)/Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sa pagsusulong ng mga programang pangkabuhayan para sa mamamayan. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos ng mga ahensya at lokal na pamahalaan, mas napapalakas ang layuning mabigyan ng pangmatagalang oportunidad ang mga pamilyang nangangailangan at tuluyang maputol ang siklo ng kahirapan tungo sa mas maunlad na pamumuhay. ##