LALAWIGAN NG TARLAC – Pinatunayan ng 46 na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) youth beneficiaries mula sa bayan na sila ang susunod na henerasyon ng mga lider matapos ang matagumpay na Children and Youth Leadership Camp na may temang: “KaBATAang Pura: Partners in Governance, Drivers for Change sa Pura, Tarlac.
Layunin ng aktibidad na ito na hubugin ang kakayahan ng ating mga kabataan, palalimin ang kanilang kaalaman sa mga isyung panlipunan, at patibayin ang kanilang hangaring maglingkod sa komunidad.
Sa unang araw ng camp, sumailalim ang mga kabataan sa mahahalagang diskusyon tungkol sa Illegal Drugs & Its Impact (PDEA Tarlac & RHU Pura), Psychological Impact of VAWC (Dr. Grace Hasegawa, TSU), VAWC in the Digital Age (Atty. Septfonette Fe Balusdan), at Shielding the Youth Against Insurgency (3rd Mechanized Infantry Battalion, Philippine Army). Nagkaroon din ng mga bonding activities tulad ng “Fly Your Flag High, Unite the Voice” at campfire session.
Sa ikalawang araw naman ay itinuro sa kanila ang mahahalagang life skills gaya ng Basic Life Support (MDRRMO Pura), Nurturing Nature, Empowering Youth (Arch. Raymond Co, PIEP Tarlac), Leadership in Fuzzy Wire (Ms. Shandi AC Soliman, Kaya Natin Youth), at Leadership Forum kasama ang mga panelista (Ms. Shaneah Fernelle Soliman, Hon. Francis Ponce G. Candelario, Hon. Jason Benar G. Palomar, at Hon. Justine Vlad Rodriguez).
Nagtapos ang programa sa isang Camp Clean-up Initiative, kung saan ipinakita ng mga kabataan ang kanilang malasakit sa kapaligiran, na sinundan ng Awards and Closing Ceremony.
Ang aktibidad na ito ay ang kauna-unahan sa buong lalawigan ng Tarlac. Ito ay bunga ng matibay na pagtutulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Pura, iba’t ibang ahensya ng gobyerno, at pribadong sektor.
Patunay ang inisyatibong ito na ang mga kabataan ngayon ay handang humawak ng pagbabago. Sa layuning tugunan ang hamon ng pagpapanatili ng organisasyon sa gitna ng mga personal na pagsubok at kahirapan, pormal na isinagawa rin ang “Empowered Youth Leadership Development, Mental Health Awareness & PYAP Orientation and Organization among 4Ps Youth beneficiaries” sa Bayan ng Anao.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng 75 kabataang 4Ps (42 lalaki at 33 babae), na naglalayong hindi lamang magtatag ng sangay ng Pag-asa Youth Association of the Philippines (PYAP) sa bayan, kundi pati na rin patatagin ang kaalaman, kakayahan, at kamalayan ng mga kabataan sa pamumuno at kalusugang pangkaisipan.
Nagbahagi ng mahahalagang aral sina Krisia Mae M. Angeles, Tarlac PYAP President, at Ms. Maribeth V. Antonio, Youth Focal Person mula sa Provincial Government of Tarlac PSWDO. Sa pamamagitan ng mga aktibidad na humubog sa kanilang pagkakaisa at pagtutulungan, mas napagtibay ang kahalagahan ng pagiging responsableng lider at pag-aalaga sa sariling kapakanan.
Sa pangunguna ni Ginalyn A. Gutierrez, Municipal Youth Focal Person, pormal na nahalal bilang bagong Presidente ng samahan si Ryan L. Ermitanio mula sa Barangay Sinense.
Ang matagumpay na aktibidad ay bunga ng pagtutulungan nina Ms. Maricar Butay (Municipal Social Welfare and Development Officer), Ginalyn A. Gutierrez (Youth Focal Person), Rose Ann Valmonte (Municipal Action Team Leader ng Bayan ng Anao), at Anna Grace S. Arellano (Pantawid Pamilyang Pilipino Program Case Management Focal – POO Tarlac).
Gaya ng kanilang paninindigan: “Hawak ko ang beat” — hawak nila ang pagbabago, hawak nila ang patuloy na pag-asenso.
Patuloy tayong magkakaisa sa paggising ng kamalayan, pagpapalakas ng kakayahan, at paghahanda sa susunod na henerasyon ng mga lider para sa bayan! ##









