STO. TOMAS, PAMPANGA —  Posibleng pagkakakitaan at dagdag kasanayan ang natutunan ng sampung (10) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Barangay San Vicente sa isinagawang Skills Training on Soap-Making.

Bilang bahagi ng kanilang community-based initiative, pinangunahan ng mga Social Work On-the-Job Training (OJT) students mula sa Pampanga State University ang naturang aktibidad sa pakikipag-ugnayan sa Municipal Action Team (MAT) at Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ng Santo Tomas, katuwang ang Sabon Station Philippines na nagbahagi ng kaalaman, demonstrasyon, at starter kits para sa paggawa ng sabon at iba pang household cleaning products.

Sa pamamagitan ng aktwal na pagsasanay, natutunan ng mga kalahok ang wastong proseso ng paggawa ng iba’t ibang produktong maaaring magsilbing panimula sa maliit na pagkakakitaan para sa kanilang pamilya.

Sa tulong ng mga ganitong inisyatibo, mas nabibigyan ng pagkakataon ang mga benepisyaryo na magkaroon ng praktikal na kasanayan at makatuklas ng mga posibleng mapagkukunan ng kita para sa kanilang pamilya. ##