MABALACAT CITY – Nagsanib-puwersa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pribadong organisasyon, at mga boluntaryo upang maisagawa ang All-in-One Bayanihan 2026 para sa Indigenous Peoples Community ng Sitio Haduan at Sitio Calapi, Brgy. Marcos Village.

Sa pangunguna ng DSWD Field Office 3 Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Provincial Operations Office of Pampanga, katuwang ang Personal Collection Direct Selling, Inc. at Great Life Foundation sa pamamagitan ng Journey for Change, Air Logistics Command ng Philippine Air Force, at Lokal na Pamahalaan ng Mabalacat City, naisakatuparan ang isang araw na outreach activity na naghatid ng iba’t ibang serbisyo at tulong sa kabuuang 250 pamilyang Aeta, kabilang ang 86 na 4Ps at 164 non-4Ps na pamilya.

Isinagawa sa programa ang libreng medical at dental services, pamamahagi ng mga gamot at bitamina, personal care kits, grocery items, bigas, food packs, household essentials, at water filters. Naghandog din ng mga backpack at school supplies sa 263 batang mag-aaral. Bilang bahagi ng programa, nagsagawa rin ng mga aktibidad para sa mga bata tulad ng mga palaro, photo booth, balloon making, at pamimigay ng snacks.

Naging posible ang programa sa tulong ng mga volunteer doctors, dentists, medical professionals, at support personnel mula sa Go Share, gayundin ng suporta mula sa We Care PH, Waves for Water, Seso Marketing, Starpay, SuperSale, at Jeriz Food Carts.

Taos-pusong nagpapasalamat ang DSWD Field Office 3 sa lahat ng mga katuwang at boluntaryong naging bahagi ng matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad.

Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, inaasahang mahihikayat at mapapalakas ang kakayahan ng mga katutubong komunidad na maging aktibong bahagi sa pagsusulong ng kanilang pangkalahatang kapakanan at pag-unlad. ##