Balagtas, Bulacan – Isinagawa ang Skills Training on Body Massage para sa 16 exiting beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng DSWD na mapalawak ang kaalaman at kasanayan ng mga benepisyaryo tungo sa pagkakaroon ng sustainable na kabuhayan.

Bilang paghahanda, nagsagawa ng warm-up exercises upang maiwasan ang injury at ihanda ang katawan para sa aktwal na demonstrasyon. Ipinakita rin sa mga kalahok ang iba’t ibang pamamaraan ng pagmamasahe, kabilang ang tradisyunal na paraan gamit ang dahon ng saging, na nagpapakita ng lokal na kaalaman at praktis. Bahagi rin ng pagsasanay ang paggamit ng bentosa o baso bilang alternatibong teknik sa pagpapaginhawa ng kalamnan. Isinagawa rin ang iba’t ibang uri ng masahe tulad ng pagmamasahe sa ulo, braso, at sintido—mga teknik na maaaring magamit sa pang-araw-araw at posibleng pagkakitaan sa hinaharap.

Layunin ng programang ito na mabigyan ang mga benepisyaryo ng 4Ps ng alternatibong mapagkakakitaan. Sa pamamagitan ng pagsasanay na ito, inaasahang mapapalakas ang kanilang kakayahang maging produktibo, mapataas ang kanilang kumpiyansa sa sarili, at magkaroon ng konkretong hakbang tungo sa pag-angat ng kanilang kabuhayan. Higit sa lahat, layunin nitong magbigay ng oportunidad sa mga kalahok na magkaroon ng disenteng hanapbuhay o maliit na negosyo, na makatutulong hindi lamang sa pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya kundi pati na rin sa patuloy na pagsuporta sa edukasyon at kinabukasan ng kanilang mga anak.

Sa ganitong paraan, ang programang ito ay nagiging daan upang unti-unting makamit ng mga pamilyang benepisyaryo ang mas matatag, maayos, at mas maunlad na buhay. Nagtapos ang aktibidad sa isang group photo kasama ang lahat ng kalahok, ang trainer, at ang buong team ng Municipal Links ng Balagtas, Bulacan bilang simbolo ng tagumpay ng programa.

Ang gawaing ito ay patunay ng patuloy na commitment ng DSWD Field Office 3, katuwang ang lokal na pamahalaan at mga partner stakeholders, sa pagbibigay ng oportunidad at kasanayan sa mga 4Ps beneficiaries upang maging handa sila sa mga oportunidad sa kabuhayan at mas mapabuti ang kanilang pamumuhay. ##