BACOLOR, PAMPANGA — Dalawampung (20) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa mga barangay ng Cabetican, San Vicente, San Antonio, Concepcion, Sta. Barbara, Potrero, at Tinajero ang naging produktibo matapos sumailalim sa pagsasanay sa paggawa ng gourmet na tinapa.

Ayon sa kanila, malaki ang naitulong ng aktibidad dahil natutunan nila ang wastong proseso ng paggawa ng tinapa gourmet. Karamihan sa mga kalahok ay naninirahan malapit sa mga palaisdaan, kaya’t ang naturang pagsasanay ay angkop sa kanilang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan.

Sa pangunguna ni Chef Jeff, propesor mula sa Araullo University, itinuro ang buong proseso ng paggawa ng tinapa gourmet, mula sa tamang pag-uusok ng isda hanggang sa wastong pagbalot at pag-iimbak nito sa mga garapon. Makikita sa mga reaksyon ng mga benepisyaryo ang kasiyahan at sigasig sa pagkatuto, lalo na’t marami sa kanila ang may hilig sa pagluluto.

Sa tulong at suporta ng Lokal na Pamahalaan ng Bacolor sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office, nabigyan ang mga kalahok ng pagkakataong makapagsanay at magamit ito upang magkaroon ng dagdag na kabuhayan at mapabuti ang kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. ##