Ako si Nicko Sandoval Dumlao, mula sa Brgy. O’Donnell, Capas, Tarlac, na nakapagtapos ng Bachelor of Science in Electrical Engineering at ngayon ay isang Registered Electrical Engineer na.
Ang tagumpay ko na ito ay hindi lamang para sa akin, para din ito sa mga magulang ko na sina Anabel S. Dumlao at Reynaldo P. Dumlao. Ang buhay namin ay parang mga complex problems na sino-solve ko sa pag-aaral at pagre-review ko noon. Mahirap pero laging may solusyon, minsan nga marami pa. Bata pa lamang, mulat na ako sa kung anong klaseng buhay ang mayroon kami. Si Mama ay isang housewife, minsan sya ay nakikipaglabada at minsan naman ay sumasaka sa bukirin. Samantalang si Tatay ay isang masipag at marangal na magsasaka. Mahirap ang buhay namin pero hindi nila hinahayaan na walang laman ang aming mga tiyan kaya bilib na bilib ako sa kanila kasi kahit na mahirap ang buhay namin, hindi nila kami pinabayaan. Apat pala kaming magkakapatid at ako ang panganay kaya alam ko kung gaano kabigat ang problema ng aming pamilya. Kaya talagang nagsumikap ako para makapagtapos. Naaalala ko pa noon na ina-applyan ko lahat ng scholarships na pwedeng applyan. At sa awa ng Diyos ay naging scholar ako ng aming LGU Capas, scholar din ako ng isang private scholarship na CDYEAP at higit sa lahat ay nakapag-aral ako ng may libreng matrikula sa Tarlac State University.
Subalit noong napasama ang aming pamilya sa programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kahit papaano ay gumaan ang aming buhay. Hindi man kalakihan sa iba, ngunit para sa amin, napakalaki na ng halaga nito. Kahit na tatlong taon pa lamang kaming benipisyaryo ng 4Ps ay malaking tulong na ang naiabot nito sa amin. Hindi ko man ito naranasan noong ako ay high school pa lamang ngunit para na rin akong nasisiyahan sapagkat ngayon naman ay ang aking mga kapatid ang nakakaranas.
Ang kahalagahan ng 4Ps sa aking pamilya ay hindi lamang masusukat sa piso at sentimo. Ang tunay na halaga nito ay ang katatagan o stability na ibinigay nito sa amin. Dahil sa suportang ito, hindi ko kinailangang mamili sa pagitan ng pagkain o ng libro. Hinayaan ako nitong maka-focus sa aking pag-aaral, dahil alam kong may tutulong sa aking pamilya kapag sila ay nangangailangan.
Para sa 4Ps, DSWD, at lalong lalo na sa mga taxpayers ng ating bayan: Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat! Salamat sa pagkilala sa aming potensyal noong ang nakikita lamang ng mundo ay ang aming kahirapan. Maraming tao ang tumitingin sa 4Ps bilang tulong lamang, ngunit ako ang buhay na patunay na ito ay isang makapangyarihang investment. You didn’t just provide for our basic needs; you fueled a dream. You gave a young student the leverage needed to break a cycle of financial hardship. Sana po hindi po kayo magsawang tumulong at maging bukas-palad lalong-lalo na sa mga nangangailangan.
Ngayon, habang hawak ko ang aking lisensya bilang isang Electrical Engineer, nililingon ko ang aking pinagdaanan nang may malalim na pasasalamat. Hindi na lamang ako isang tatanggap ng tulong; isa na ako sa mag-aambag sa pag-unlad ng ating bayan. Sa aking mga kapwa benepisyaryo ng 4Ps, sana ay magsilbing paalala ang aking kuwento na ang inyong kasalukuyang kalagayan ay simula lamang, hindi ang inyong hantungan.
Sinimulan ko ang paglalakbay na ito bilang isang benepisyaryo, at ipinagpapatuloy ko ito ngayon bilang isang Electrical Engineer na handang maglingkod sa ating bayan. Salamat, 4Ps, dahil tinulungan ninyo akong bigyang-liwanag ang kinabukasan ng aking pamilya. The program provides the ladder, but your determination determines how high you will climb. Above all, the highest glory belongs to God. It has always been You, Lord.
Mabuhay ang Taxpayers ng Bayan! Mabuhay ang Mamamayang Pilipino! ##
