Ang IP-Dumagat na Nagsumikap, Nagtapos, at Nakapasa sa Criminology Board Exam sa Tulong ng 4Ps
Sa pusod ng bayan ng Gabaldon, Nueva Ecija, isang munting komunidad ng mga Indigenous Peoples (IPs)-Dumagat ang tahimik na namumuhay sa ilalim ng lilim ng Barangay Malinao. Isa sa mga pamilyang naninirahan doon ay ang pamilya ni Rhea Mae S. Casamis, isang batang Dumagat na isinilang sa kahirapan ngunit pinalad na maiahon ang sarili sa tulong ng edukasyon, pagpupursige, at ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Lumaki si Rhea Mae sa isang maliit at payak na tahanan. Sila ay masayahing pamilya at maganda ang relasyon sa loob ng tahanan. Ngunit hindi naging madali ang kanyang buhay bilang isang IP – dahil sa diskriminasyon sa mga lungsod. Ngunit sa kabila ng lahat, may dalawang haligi ng tahanan ang patuloy na nagpapalakas ng kaniyang loob: ang kaniyang ina, si Nanay Rose, at ang kanyang ama, si Tatay Randy.
Ang nanay ni Rhea Mae ay Parent Leader ng 4Ps sa loob ng 16 na taon, isang tagapamagitan sa mga benepisyaryo at programa. Siya ang tagapayo ng mga kapwa ina sa komunidad – gabay sa tamang paggamit ng cash grants, sa edukasyon ng mga anak, at sa kalusugan ng pamilya. Habang si Tatay Randy ay isang IP Community Counselor, kilala sa buong bayan ng Gabaldon. Siya ang tinatawagan tuwing may kailangang tulong o pangangailangan sa Dumagat community. Ang kanilang pagkatao ay haligi ng komunidad – at inspirasyon ni Rhea Mae.
Noong 2008, naging benepisyaryo ang kanilang pamilya ng 4Ps. Sa simula, ang buwanang cash grant ay tila maliit—pero para sa pamilyang katulad nila, ang bawat sentimo ay mahalaga. Ang ayudang natatanggap para sa edukasyon at kalusugan ay ginamit ng kaniyang Nanay nang buong ingat: pambili ng uniporme, notebook, lapis, at paminsang baon ni Rhea Mae. Dahil dito, nakapagtapos siya ng elementarya, high school, at nakapasok sa kolehiyo – isang bagay na hindi inaakalang posible noon.
Bukod sa tulong pinansyal, ang Family Development Sessions (FDS) na bahagi ng 4Ps ay naging mahalagang bahagi rin ng paghubog sa pagkatao ni Rhea Mae. Sa bawat sesyon na dinadaluhan ng kanyang ina, ibinabahagi nito sa kanilang pamilya ang mga natutunan: ang kahalagahan ng disiplina, pananagutan, respeto, at pag-ibig sa edukasyon.
Nang siya’y makapasok sa kursong Bachelor of Science in Criminology, hinarap ni Rhea Mae ang mas malalaking hamon. Sa lungsod, muli siyang nakaranas ng diskriminasyon, pagod, at pangungulila. Ngunit sa bawat oras na siya’y panghihinaan ng loob, palagi niyang naaalala ang sinasabi ng kaniyang Nanay:
“Hindi mo kailangang maging mayaman para magtagumpay. Kailangan mo lang ng tapang, tiyaga, at tiwala sa sarili.”
Kaya nagpatuloy si Rhea Mae sa kaniyang pag-aaral dahil sa mga pangaral sa kaniya ng kaniyang magulang at gayundin hindi kailanman kinalimutan ni Rhea Mae ang tulong ng 4Ps ang nagsilbing paunang hakbang sa kanyang pag-akyat sa matarik na bundok ng pangarap.
Taong 2025, nagtapos si Rhea Mae sa kursong Bachelor of Science in Criminology sa isang pribadong unibersidad. Ikinatuwa ito hindi lang ng kanyang pamilya kundi ng buong komunidad ng Dumagat sa Gabaldon. Ngunit hindi pa roon natatapos ang kwento — dahil sa taong ring iyon, nakapasa siya sa Criminology Licensure Examination.
Ang dating batang naglalakad para makapasok sa paaralan ay isa na ngayong lisensyadong criminologist. Plano niyang bumalik sa kanyang komunidad upang maglingkod – magturo sa mga kabataan ng kahalagahan ng edukasyon, at magsilbing boses ng mga IP sa larangan ng batas at hustisya.
Si Rhea Mae ay hindi lamang produkto ng kanyang pagsisikap. Siya ay bunga rin ng isang programang naglalayong alisin ang salinlahi ng kahirapan — ang 4Ps. Ang tulong na minsang inakala ng ilan na pansamantala, ay naging tulay para sa pangmatagalang pagbabago.
At sa bawat tagumpay ni Rhea Mae, nariyan si Nanay Rose, ang ina na hindi bumitaw sa responsibilidad sa pamilya at sa kanyang komunidad bilang Parent Leader. Nariyan din si Tatay Randy, na patuloy na naglilingkod sa kapwa IP, habang ipinagmamalaki ang anak nilang naging ehemplo ng tagumpay sa edukasyon.
Si Rhea Mae ay isa lamang sa libo-libong IP students na benepisyaryo ng 4Ps. Ngunit ang kaniyang kwento ay patunay na kapag pinagsama ang suporta ng gobyerno, tibay ng pamilya, at determinasyon ng isang kabataan – walang bundok na hindi kayang akyatin, kahit ikaw ay nagmula sa pinakaliblib na bahagi ng bansa.
At sa mata ng kanyang komunidad, siya na ngayon ang bagong inspirasyon—ang Criminologist na Dumagat, na minsang isinilang sa kahirapan, ngunit ngayo’y larawan ng pag-asa.
Panghuling salita ni Rhea Mae.
“Ang pagiging isang Dumagat ay hindi hadlang sa tagumpay — ito ang aking ugat, lakas, at inspirasyon. Salamat sa 4Ps, ngayon ay isa na akong lisensyadong Criminologist. Ngunit higit pa sa titulo, ako ay isang anak, kapatid, at lingkod ng aking komunidad.” ##
