Maria Aurora, Aurora – Isinagawa ang “Piso Sa Basura, Tugon Nito’y Gamit Mo Sa Eskwela”, isang makabuluhang proyekto ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Municipal Action Team Maria Aurora, katuwang ang lokal na pamahalaan – Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) Ecosavers Program sa barangay na naglalayong pagsamahin ang pangangalaga sa kalikasan at pagtulong sa edukasyon ng kabataan.

Dinaluhan ito ng mga benepisyaryo mula sa iba’t ibang barangay ng Maria Aurora kung saan ang bawat timbang ng recyclable materials ay naipapalit sa puntos sa scorecard ng bawat pamilyang benepisyaryo ng 4Ps. Ito ay kanilang iipunin at nakatakdang ipapalit sa mga school supplies at/o grocery items sa darating na Setyembre

Ang proyektong ito ay isasagawa kada buwan at gagawin din sa iba’t ibang barangay sa buong bayan upang mas maraming pamilya at kabataan ang makinabang habang isinusulong ang pangangalaga sa kalikasan at suporta sa edukasyon.

Sa pamamagitan ng wastong segregasyon at pangongolekta ng mga recyclable materials mula sa tahanan at komunidad, ang kikitain mula rito ay ilalaan bilang suporta sa mga out-of-school children and youth na nais muling makapag-aral.

Layunin din ng proyektong ito na palakasin ang kamalayan sa tamang pamamahala ng basura, mapanatili ang kalinisan ng komunidad, at maitaguyod ang bayanihan at pakikiisa ng bawat mamamayan para sa mas malinis at mas maunlad na kinabukasan.

Sa bawat basurang naipon, may pag-asang maiaahon at edukasyong matutulungan. ##