San Jose, Tarlac – Isinagawa sa Sitio Pisapungan, Brgy. Sula ang tree-planting activity na dinaluhan ng 60 transitioning Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, mga pamilyang patuloy na humahakbang tungo sa mas matatag, mas self-reliant, at mas may pag-asang kinabukasan.

Ang aktibidad na ito ay higit pa sa pagtatanim ng puno; ito ay pagtatanim ng pangarap, pananagutan, at pagmamahal sa susunod na henerasyon. Ito ay sumisimbolo ng pagiging aktibong tagapagtaguyod ng kalikasan, kaunlaran, at kolektibong pag-asa ng mga benepisyaryo sa kanilang komunidad.

Naging matagumpay ang tree-planting activity mula sa pakikipagtulungan ng Provincial Government of Tarlac sa pamamagitan ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) –  para sa 206 bamboo seedlings, sa San Jose Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) – para sa paghahanda ng lupang pagtataniman, sa Palawan Group of Companies, Barangay Chairman at Tribal Chieftain ng Sula – para sa lugar ng aktibidad, at sa lokal na pamahalaan ng San Jose kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa kanilang walang-sawang suporta sa mga programa para sa mga benepisyaryo ng 4Ps.

Matatandaang dito rin isinagawa ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) training para sa Agricultural Crops Production NC II noong nakaraang taon. (See story: https://tinyurl.com/2dunzxws)

Sa bawat punlang itinanim, may kinabukasang pinapalago. ##