Hagonoy, Bulacan — Isinagawa ang pamamahagi ng Bayanihan SIM Card sa mga piling mag-aaral mula sa Barangay Pugad sa bayan.

Sa naturang aktibidad, limang (5) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nabigyan ng SIM card na may kasamang libreng 25 GB internet allocation bawat buwan.

Dumalo rin sa aktibidad ang mga magulang ng mga benepisyaryong mag-aaral. Sila ay pinaalalahanan ni G. Kim Dela Cruz, Social Welfare Officer IV mula sa DSWD Field Office 3 SWAD Bulacan, hinggil sa tamang proseso ng SIM registration at sa responsableng paggamit ng internet upang higit na mapakinabangan ang benepisyo nito sa pag-aaral ng kanilang mga anak.

Matatandaang nauna nang isinagawa ang kaparehong pamamahagi sa bayan ng Doña Remedios Trinidad (DRT) , bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapalawak ang akses sa internet ng mga mag-aaral na nagmumula sa Unserved and Underserved Areas (UUAs).

Layunin ng programang ito na suportahan ang kanilang edukasyon sa pamamagitan ng mas maayos na konektibidad. Ang inisyatibang ito ay kabilang sa mga pangunahing programa at adbokasiya ng pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na naglalayong isulong ang digital inclusion at tiyakin ang dekalidad na edukasyon para sa lahat. ##