Sa loob ng isang silid-aralan sa isang pampublikong paaralan, maririnig ang boses ng isang gurong puno ng sigla. Ngunit sa likod ng bawat leksyong kanyang itinuturo ay isang kwento ng pagsisikap na nagsimula hindi sa chalk at blackboard, kundi sa hirap ng buhay at sa isang programang nagbukas ng pinto para sa kanyang mga pangarap.
Bilang bunso sa kanilang magkakapatid, nasaksihan niya ang bigat ng buhay. Hindi naging madali ang bawat araw; madalas ay kapos ang budget para sa pagkain, lalo na para sa pag-aaral. Nakita niya ang sakripisyo ng kanyang mga nakatatandang kapatid—ang mga pangarap na pansamantalang isinantabi at ang pagbabanat ng buto sa trabaho upang matiyak lamang na siya ay makatapos.
Sa gitna ng ganitong sitwasyon, dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Mula elementarya hanggang high school, naging katuwang ng kanyang pamilya ang tulong na ito.
“Sa totoo lang, hindi naman talaga sapat ang tulong pinansyal,” pag-amin niya. “Pero dahil dito, nagkaroon ako ng lakas ng loob na ipagpatuloy ang aking pangarap.”
Ang 4Ps ay hindi lamang naging tulong sa pambili ng notebook o uniporme; ito ang naging mitsa ng kanyang pag-asa. Noong tumuntong siya sa kolehiyo, tila pumanig sa kanya ang tadhana. Dahil sa pagiging bahagi ng pamilyang 4Ps, naging prayoridad siya at naging grantee ng Tertiary Education Subsidy (TES).
Ngunit alam niyang hindi sapat ang umasa lang sa gobyerno. Bitbit ang disiplina at tiyaga, naghanap siya ng paraan upang makatulong sa gastusin. Sa halip na magbakasyon (tuwing Summer), ginamit niya ang oras sa pagtatrabaho. Namasukan siya bilang tutor ng mga bata para magkaroon ng sariling pagkakakitaan.
Ang batang dati ay tumatanggap ng tulong, ngayon ay siya nang nagbibigay. Matapos ang maraming puyat at pagpupursigi, ganap na siyang Guro sa isang pampublikong paaralan.
Hindi niya ikinahihiya ang kanyang pinagmulan. Sa katunayan, ginagamit niya ang kanyang karanasan upang magsilbing buhay na patunay sa kanyang mga estudyante na ang kahirapan ay hindi hadlang sa tagumpay.
“Ipinagmamalaki ko na ako ay produkto ng 4Ps. Hindi lang basta umasa—nangarap at nagpursigi.”
Ang kanyang kwento ay hindi lamang tungkol sa tagumpay ng isang indibidwal, kundi patunay na kapag ang tulong ng pamahalaan ay sinamahan ng sipag at tiyaga, tunay na nagbabago ang takbo ng buhay. Mula sa pagiging benepisyaryo, siya ngayon ay isang liwanag na nagbibigay ng kaalaman at pag-asa sa susunod na henerasyon. ##
