Mula sa panulat ni Karl Adrian P. De Leon, 4Ps Municipal Link – Orion, Bataan, former monitored child at ESGP-PA scholar.

“Bago po kami maging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), hindi po naging madali ang aming pamumuhay. Kami ay limang magkakapatid at ang aming ina ay walang trabaho dahil siya ang naiiwan sa bahay upang mag-alaga sa amin. Ang aming ama naman ay isang tricycle driver, at ang kanyang kinikita ay hindi sapat upang matustusan ang sabay-sabay naming pangangailangan lalo na’t halos magkakalapit ang aming edad at sabay-sabay kaming nag-aaral.
Noong panahong iyon, tatlo kaming nasa high school at dahil sa kakapusan, pare-pareho lamang kaming may baon na dalawampung piso para sa buong maghapon. Karaniwan, sa umaga lang kami nakakabili ng pagkain para sa recess, at pagdating ng hapon ay wala na kaming baon, kaya nagtitiis na lang hanggang makauwi. Samantala, ang aking Kuya Kevin ay nag-aaral na noon sa kolehiyo sa Balanga at kinakailangang mag-boarding house. Ang kanyang baon para sa buong linggo, kasama na ang pagkain at iba pang gastusin, ay limang daang piso lamang, kaya kinakailangan niyang magtipid nang husto para pagkasyahin ito. Sa kabila ng mga kakulangan, nagsikap ang aming mga magulang na sina Mommy Linda at Daddy Eddie at kaming magkakapatid ay nagtiyaga sa pag-aaral, umaasang balang araw ay makakaahon din kami sa hirap ng buhay. 

Malaki po ang naging pagbabago sa aming pamumuhay nang kami ay maging bahagi ng 4Ps. Unti-unti pong nabawasan ang bigat ng aming pinagdaraanan dahil nagkaroon kami ng karagdagang tulong pinansyal na nakatulong upang mapunan ang aming pangangailangan sa pag-aaral at kalusugan. Ang dating hirap na halos hindi na namin kayanin ay napalitan ng pag-asa at determinasyon na ipagpatuloy ang aming mga pangarap. Natutunan din po ng aking ina ang tamang pagba-budget ng aming natatanggap na cash grants, kaya’t mas naging maayos ang paglalaan ng pera para sa aming pambaon, pang-eskwela, at iba pang gastusin. Higit pa rito, siya po ay naging Parent Leader sa kanilang grupo ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa Brgy. Pita. Dahil dito, marami po siyang natutunan mula sa mga Family Development Sessions na kanyang dinaluhan, at ang mga kaalamang ito ay naipamalas at naipatupad niya sa aming pamilya, lalo na sa tamang paghawak ng pera, pag-aalaga sa aming kalusugan, at pagbibigay-halaga sa edukasyon. Dahil sa mga pagbabagong ito, mas naging responsable at masigasig ang aming mga magulang sa pagtataguyod sa amin. Mas lalo po silang nagsumikap upang kami ay mapagtapos ng pag-aaral. Sa tulong ng programa, naging mas matibay ang aming pamilya at nagkaroon kami ng malinaw na direksyon tungo sa mas maayos at mas magandang kinabukasan. 

Opo, ako po at ang dalawa kong kapatid ay kabilang sa mga monitored children ng programa. Malaki po ang naitulong nito sa amin, lalo na sa aming pag-aaral dahil nagkaroon kami ng sapat na pambaon at hindi na kami gaanong nag-aalala sa araw-araw na gastusin sa eskwela. Bukod dito, mas natutukan din ang aming kalusugan dahil sa mga regular na check-up at monitoring na bahagi ng programa, na nakatulong upang masigurong kami ay lumalaking malusog at handa sa pag-aaral. Bukod pa po sa mga grant para sa health at education, malaking biyaya rin ang naidulot ng programa sa akin dahil nagkaroon ako ng oportunidad na makakuha ng scholarship sa kolehiyo sa pamamagitan ng Expanded Students’ Grants-in-Aid Program for Poverty Alleviation (ESGP-PA) sa Bataan Peninsula State University. Dahil dito, nabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral nang hindi iniisip ang matrikula, pati na rin ang aking pang-araw-araw na gastusin. Ang tulong na ito ay naging daan upang makapagtapos ako ng kolehiyo at mas mapalapit sa aking mga pangarap sa buhay. 

Sa kasalukuyan, masasabi ko pong malayo na ang narating ng aming pamilya mula sa dati naming kalagayan. Lahat po kaming magkakapatid ay nakapagtapos na ng aming pag-aaral, na noon ay tila imposible lamang naming pangarap. Ang aming panganay na nagsakripisyo noon na magtrabaho sa ibang bansa upang makatulong sa aming pamilya, ngayon ay tinutupad na ang kanyang naudlot na pangarap na makapagtapos ng apat na taong kurso. Siya ay kasalukuyang kumukuha ng kursong Business Administration sa PUP matapos niyang makapagtapos ng dalawang-taong kurso sa IT sa Eastwoods College of Science and Technology, at siya ay malapit nang magtapos. Sumunod naman ang aking Kuya Kevin na ngayon ay nagtatrabaho bilang Social Welfare Assistant sa 4Ps. Siya ay nakapagtapos ng kursong BS in Computer Engineering sa Eastwoods College of Science and Technology. Ang aking Ate Katrina naman ay isa nang ganap na guro at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Teacher IV sa Sta. Lucia High School, kung saan kami rin nagtapos ng high school. Siya ay nagtapos ng Bachelor of Secondary Education, Major in MAPEH. Ang bunso naming kapatid na si Ken ay nakapagtapos din ng Bachelor of Elementary Education at kasalukuyang nagtatrabaho bilang office worker sa isang outsourcing company sa Hermosa. Ako naman po ay nakapagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in MAPEH at kasalukuyang nagtatrabaho bilang Municipal Link ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa Munisipyo ng Orion sa Bataan. Sa aking kasalukuyang trabaho, patuloy kong ginagabayan at tinutulungan ang mga pamilyang benepisyaryo upang magsikap at makamit din nila ang kanilang pangarap na makaahon sa kahirapan, gaya ng aming naging karanasan. 

Sa DSWD at sa programa ng 4Ps, taos-puso po akong nagpapasalamat sa napakalaking tulong na inyong naibigay sa aming pamilya. Kayo po ang naging instrumento upang mabago ang takbo ng aming buhay, mula sa isang pamilyang kapos at halos walang kasiguraduhan, patungo sa isang pamilyang may maayos na kalagayan at may kakayahang abutin ang aming mga pangarap. Maraming salamat din po sa pagkakataon na ako ay maging bahagi ng programang minsan nang humubog sa aming pamilya. Isang karangalan po para sa akin na mula sa pagiging benepisyaryo ay ako naman ngayon ang tumutulong at gumagabay sa iba pang pamilya upang sila rin ay makaahon sa kahirapan. Para naman po sa ating mga taxpayers, nais ko pong iparating na hindi po nasasayang ang bawat pisong ibinabayad ninyo sa buwis. Nauunawaan ko po na may mga agam-agam at puna tungkol sa programa, ngunit nais ko pong ipaalam na ang 4Ps ay hindi lamang simpleng pamimigay ng pera. Ito po ay isang programang may malinaw na layunin at may kaakibat na responsibilidad. Ang mga benepisyaryo ay kinakailangang sumunod sa mga kondisyon tulad ng pagpapaaral sa mga anak, pagdalo sa Family Development Sessions, at pag-aalaga sa kalusugan ng pamilya. Bilang isa pong dating benepisyaryo, ako ay patunay na ang programa ay may tunay na magandang epekto sa buhay ng isang pamilya. Hindi lamang ito nagbibigay ng pansamantalang tulong, kundi nagtuturo rin ng disiplina, responsibilidad, at tamang pagpapahalaga sa edukasyon at kinabukasan. Maraming salamat po sa inyong patuloy na suporta. Kayo po ay malaking bahagi ng pagbibigay ng pagkakataon sa mga pamilyang tulad namin na makabangon at magkaroon ng mas maayos na buhay.” ##