Inilunsad ng SWAD Nueva Ecija–Provincial Operation Office I, sa pakikipagtulungan ng Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST), Eduardo L. Joson Memorial High School–Quezon, Nueva Ecija, Bartolome Sanggalang National High School–Guimba, Sibul National High School–Talavera, at AVON TGV Merchandise & Services ang “Project GLAM” (Generating Livelihood through Amazing Make-over).

  Ang mga kalahok ay binubuo ng 50% out-of-school youth na mino-monitor sa ilalim ng programang 4Ps, 25% na kasalukuyang nag-aaral at kabilang din sa 4Ps, at 25% na mga mag-aaral ng Senior High School na naka-enroll sa TVL track.

Layunin ng proyekto na sanayin ang mga kalahok sa hair styling, make-up, at personal na pag-aayos (grooming) sa loob ng tig-lilimang araw kada munisipyo; linangin ang kanilang kakayahang pang-negosyo upang makapagsimula ng maliliit na kabuhayan sa larangan ng beauty at wellness; paunlarin ang kanilang tiwala sa sarili at disiplina; itaguyod ang mga serbisyong nakabatay sa komunidad na makatutulong sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya; at suportahan ang programang 4Ps sa pamamagitan ng pagbibigay ng pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan bilang karagdagan sa conditional cash transfers.

 

Ang mga kalahok ay sasailalim sa apat na yugto ng proyekto: Phase I – Recruitment & Orientation; Phase II – Skills Training; Phase III – Entrepreneurship Development; at Phase IV – Deployment at Mentorship.

Ang Project GLAM ay isang makabuluhan at praktikal na inisyatibo na naglalayong matulungan ang kabataang nangangailangan sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na kasanayan at oportunidad sa kabuhayan.

Kaakibat ng layunin ng 4Ps, layunin nitong gawing pangmatagalan ang benepisyo ng programa upang magkaroon ng sariling kakayahan, matatag na kita, at mapaunlad ang komunidad. Sa kasalukuyan, ang mga kalahok ay naghahanda na para sa kanilang OJT, na inaasahang magsisilbing panimulang mapagkukunan ng kita. ##