Tunay ngang wala sa katayuan sa buhay ang kakayahan para makatulong. 30 bags ng dugo ang nakolekta sa isinagawang bloodletting activity ng Provincial Operations Office (POO) – Bataan, katulong ang Red Cross – Bataan Chapter, sa pangunguna ni POO Bataan Provincial Link, Ms. Elena G. Dones—na minsan na ring naisalba ang buhay dahil sa tulong ng blood donors.

“Gusto ng POO Bataan na magbigay-tulong sa mga nangangailangan ng dugo at ito ang nakikita naming paraan upang mapagtibay pa ang kagustuhan na iyon. Hindi biro ang minsan kang mangailangan ng dugo para lang madugtungan ang buhay, kaya’t malaki ang pasasalamat ko sa blood donors—sila ay tunay na mga bayani. Sana ay hindi sila magsawa at mapagod sa pagtulong dahil bawat patak ng kanilang dugo ay may buhay na naisasalba.” – Ms. Elena G. Dones.

Taun-taong ginagawa ng POO Bataan ang bloodletting activity na ito hindi lamang upang makatulong na makapagsalba ng mga buhay kundi upang magbigay ng motibasyon at inspirasyon sa marami—na wala sa katayuan sa buhay ang kakayahan upang makatulong dahil ang simpleng pagbibigay ng dugo ay isang malaking hakbang upang makapagdugsong ng isang buhay.

Lubos naman ang pasasalamat ng POO Bataan sa mga staff at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries na nakiisa at nag-donate ng kanilang mga dugo sa bloodletting activity na ito. ##