Babae ka, mahalaga ka! 💜

Isinagawa ang Gender and Development (GAD) Mapping sa Government Center Training Room, Sto. Niño, San Simon, Pampanga, na nilahukan ng tatlumpu’t anim (36) na mga Parent Leaders ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

 Layunin ng aktibidad na ito na matukoy at mapalakas ang kamalayan ng mga kalahok hinggil sa mga isyung may kaugnayan sa kasarian, gayundin ang pagtukoy sa mga pangangailangan at serbisyong makakatulong sa pagsusulong ng gender equality at mas inklusibong komunidad.

Sa pamamagitan ng GAD Mapping, nabibigyang-boses ang mga Parent Leaders upang aktibong makibahagi sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang tumutugon sa kanilang mga pangangailangan. Ang nasabing gawain ay naisakatuparan sa inisyatibo ng 4Ps Municipal Action Team (MAT) San Simon, katuwang ang buong suporta ng Lokal na Pamahalaan ng San Simon, Pampanga. Patuloy ang DSWD sa pagtataguyod ng mga programang nagbibigay-lakas sa kababaihan at komunidad tungo sa isang mas pantay at inklusibong lipunan.

 

Sa pagdiriwang ng National Women’s Month 2026 na may temang, “WE for Gender Equality and Inclusive Society” at sub-temang “Lead Like the Babaylans, Filipinas!”, matagumpay ang isang barangay-based convergence activity sa San Agustin Covered Court, San Simon, Pampanga.

Pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Municipal Accountant’s Office, at DSWD–Municipal Action Team (MAT) sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), katuwang ang lokal na pamahalaan (LGU), layunin ng aktibidad na palakasin ang kamalayan ng kababaihan hinggil sa kanilang mga karapatan, itaguyod ang gender equality, at ilapit ang mga serbisyong panlipunan sa komunidad.

Buong pusong sinuportahan at dinaluhan ang aktibidad na ito ni Acting Mayor Josephine Ann D. Canlas, na patuloy na nagsusulong ng mga programang nagbibigay-lakas sa kababaihan. Dinaluhan ito ng humigit-kumulang 100 kalahok mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang mga 4Ps beneficiaries, solo parents, barangay officials, Barangay Health Workers (BHWs), Persons with Disabilities (PWDs), at iba pang community volunteers at women advocates.

Kabilang sa mga isinagawang gawain ang parade, noise barrage, Zumba, orientation ukol sa mga batas para sa kababaihan tulad ng RA 9262, at pagbibigay ng legal counseling at impormasyon ukol sa mga programang handog ng pamahalaan. Nagkaroon din ng capacity building para sa barangay officials hinggil sa wastong pamamahala at transparency ng GAD funds.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, patuloy na pinagtitibay ang papel ng kababaihan bilang katuwang sa pag-unlad ng komunidad at pagsusulong ng isang inklusibo at pantay na lipunan. ##