Matagumpay na isinagawa ang Community-Based Training Program (CBTP) na Agricultural Crops Production NC II para sa isang self-help group mula sa Barangay Sula, San Jose, Tarlac.

Dalawampu’t limang (25) benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na kabilang sa Indigenous Peoples (IPs) ang aktibong lumahok sa 20-araw na pagsasanay at matagumpay na nagtapos dito. Sa pamamagitan ng programa, nakatanggap ang mga kalahok ng praktikal na kaalaman at kasanayan sa produksyon ng mga pananim na agrikultural bilang paghahanda sa napapanatiling kabuhayan.

 

Bilang benepisyo ng pagsasanay, ang mga nagsipagtapos ay nakatanggap ng National Certificate (NC) II, libreng pagsasanay, libreng pagtatasa ng kasanayan, at karagdagang kakayahan na magagamit sa paghahanap ng trabaho o sa pagtatayo ng sariling kabuhayan.

 

Ang programa ay isinagawa ng TESDA Concepcion Vocational School sa pangunguna ni Consolacion A. Talisik, Ed.D., Tagapangasiwa ng Paaralang Bokasyonal, sa pakikipagtulungan ng TESDA Tarlac Province, Department of the Interior and Local Government (DILG) Tarlac, DSWD Field Office 3 Social Welfare and Development Tarlac. Katuwang din sa pagpapatupad ng programa at nagbigay ng suporta ang Pamahalaang Bayan ng San Jose sa pangunguna ni Punong-bayan Romeo G. Capitulo, katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na pinamumunuan ni Krizza Mae P. Cano-Galang.

 

Layunin ng programang ito na palakasin ang kasanayang agrikultural at magbukas ng mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga IP na benepisyaryo ng 4Ps bilang suporta sa inklusibo at napapanatiling pag-unlad ng komunidad. ##