Isinagawa kahapon, ika-23 ng Disyembre ang makabuluhang Gift-Giving Activity para sa mga batang 4Ps na ginanap sa Pulilan Municipal Gymnasium, Pulilan, Bulacan, kung saan namahagi ng mga laruan at munting handog na nagdulot ng tuwa at walang kapantay na ngiti sa humigit 60 batang 4Ps mula sa naturang bayan.

Ang aktibidad na ito ay bunga ng isinagawang Bulacan Provincial Operations Office 1 (POO1) Year-End Assembly cum Fun Run noong ika-18 ng Disyembre, kung saan ang bawat staff ng POO1 ay naghandog ng mga bagong laruan na syang ipinamahagi kahapon sa mga batang benepisyaryo ng 4Ps.

Ang bayan ng Pulilan ang isa at unang munisipyong napili upang pagbigyan ng biyayang ito. Ang Takbong Pamasko para sa Batang 4Ps ay isang fun run with a purpose ng POO1 Bulacan na nagbuklod sa saya ng pagtakbo para sa mga kawani at init ng pagbibigayan para naman sa mga batang 4Ps ngayong Pasko.

Sa bawat hakbang ay may dalang pag-asa, at sa bawat ngiti ay ramdam ang tunay na diwa ng malasakit. Hindi lamang ito isang takbuhan o simpleng pamamahagi ng regalo—ito ay patunay ng sama-samang pagkilos para sa kapakanan ng mga batang 4Ps, at isang paalala na ang Pasko ay mas nagiging makabuluhan kapag ito’y ibinabahagi.

Lubos ang aming pasasalamat sa POO1 4Ps staff sa kanilang kusang-loob at taos-pusong donasyon ng mga bagong laruan. Lubos din ang pasasalamat kina Ms. Joliza DP. Tayao, ang Municipal Social Welfare and Development Office Head ng Pulilan, gayundin sa Barangay Poblacion Officials at Municipal Action Team ng Pulilan sa tagumpay ng isinagawang Gift-Giving Activity na ito. ✨

Sa bawat hakbang, may pag-asa. Sa bawat regalo, may ngiti. ##