ANGAT, BULACAN – Matagumpay na idinaos sa Municipal Gymnasium ang Pugay Tagumpay Ceremony para sa 433 exiting beneficiaries ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Ang seremonyang ito ay isang pagpupugay sa mga natatanging miyembro ng programa na patuloy na nagsumikap na makaahon mula sa siklo ng kahirapan. Ang kanilang dedikasyon upang mabigyan ng mas maayos na kinabukasan ang kanilang mga anak, lalo na sa larangan ng edukasyon, ay malinaw na sumasalamin sa layunin at tagumpay ng programang 4Ps.

Bilang bahagi ng aktibidad, nagkaloob ang Lokal na Pamahalaan ng Angat ng Seedling, 100 scholarship slots, 100 slots para sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE), mga Sertipiko ng Pagsasanay (Oil Liniment Production, Food Processing, at Candle Making), at Palawan ProtekTODO insurance package para sa lahat ng nagsipagtapos.

Pinangunahan ang naturang programa ng DSWD Field Office 3 – Central Luzon sa katauhan ni 4Ps Social Welfare Officer IV, Ms. Carla M. Figueroa, katuwang ang Lokal na Pamahalaan ng Angat sa pamumuno ni Mayor Reynante S. Bautista at Ms. Menchie Bollas ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO). ##