Mapagpalang araw po sa ating lahat, ako po si Liberty Carmelo Arcansalin, residente ng Brgy San Antonio Bagac, at miyembro ng 4ps at kabilang sa Set 6C na may Household number na 030802013-7786-00013. Nais ko pong ibahagi ang kwento ng aking buhay. Sadyang mahirap maging mahirap,mula pagkabata ay danas ko na ang matinding kahirapan sa buhay. Walang maayos na tirahan, salat sa pagkain at gamit pampaaralan dahil wla ding maayos na hanapbuhay ang aming mga magulang. Bata palang ako ay marunong ng dumiskarte sa buhay, laging may paraan upang maitawid ang aking pag-aaral. Sa murang edad ay sumubok nang magtrabaho at upang matustusan ang aking pag aaral hanggang ako ay makatapos ng hayskul. Sumubok ding mag aral sa kolehiyo habang ako ay nagtratrabaho, subalit hindi nakayanan dahil matinding kahirapan, dagdag pa dito ang Psycological na kahinaan. Nagtrabaho na lamang ako at tumulong sa aming mga kapatid at magulang. Hanggang sa dumating sa puntong nais ko naring magkaroon ng sariling pamilya. Hindi din po naging madali ang lahat, para sa nag-uumpisang magpamilya. Naging mahirap ang aming buhay lalo’t natigil po ako sa pagtratrabaho nang magkaroon na po kami ng anak. Sa maliit na sahod ng aking asawa sa pagiging pahenante sa hardware, hindi po ito sapat para sa lumalaki naming pamilya. Lahat ng pagtitipid ay kailangang gawin, nangungutang ng mga pangunahing pangangailangan para mairaos ang aming pang araw-araw na pamumuhay, walang sariling tirahan, nangungupahan po kami dati sa Mariveles. Isang araw biglang nagbawas ng tauhan sa hardware at isa ang aking asawa sa natanggal. Hanggang sa naisipan naming lumipat dito sa Bagac, kung saan dito po talaga ang tirahan ng aking asawa.

 

Maraming trabahong bukid ang kanyang pinasukan, palay, kamote at kung ano ano pa maitawid lang namin ang aming pamumuhay. Wala po akong magawa kundi alagaan ang noo’y maliliit pa naming mga anak. Lagi po akong nagdarasal na sana’y balang araw ay makaranas din po ng kaginhawaan ang aming buhay. Dahil ako po ay nasa bahay lamang,wala pang kakayahang maghanapbuhay, dahil maliliit pa ang aming mga anak, tinuruan ko silang magkaroon ng mabuting asal. Araw araw ko silang pinapangaralan kung ano ang tama na dapat taglayin upang maging mabuting mamamayan. Isinasama ko silang magsimba upang mailapit sa Diyos at magkaroon ng pananampalataya sa ating Poong lumikha. Marahil ang aming kahirapan ang naging daan upang kami ay mapili at mapasali sa 4Ps. Nakita nila na kami ay karapat dapat tulungan ng pamahalaan. Salamat 4Ps, dito na nagsimula akong maka-isip ng paraan upang kumita at maghanapbuhay,dahil may katuwang na kami sa pag-aaral ng aming mga anak. Habang sila ay lumalaki, naisipan kong magtinda ng mga konting gulay at isda, naglakas loob po akong mangutang ng puhunan upang gamitin sa isang maliit na negosyo. Katuwang ko ang aking asawa kami po ay nagbahay-bahay upang magtinda, hanggang sa dumami po ang aming customer. Naisipan naming mag-asawa na maglabas ng motor na aming huhulugan sa loob ng tatlong taon, upang magamit sa pamamalengke at pagroroling ng aming paninda.

 

Sa aming pagsusumikap na mag asawa,nakabili kami ng sidecar. Araw araw hindi alintanan ang puyat at pagod,dagdag pa ang malalakas na hangin at ulan, dahil may mga pangarap para sa pamilya lalo na sa mga anak. Ayaw naming maranasan nila ng hirap maging mahirap, ang pagtawanan at kutyain dahil sa kawalan. Nais namin silang makatapos ng pag-aaral hanggang sa kolehiyo, kaya kailangan naming magsumikap.

 

Pagkapos naming hulugan ang aming motor, kumuha naman kami ng hulugang lupa. Inisip namin na puro lalaki ang aming mga anak, kaya para sa kanila ang aming ipupundar na lupa. Dalangin kong lagi sa Panginoon na kami’y pagkalooban ng malusog at malakas na pangangatawan, upang makapaghanapbuhay kami ng maayos para aming pamilya. Subalit dumating din ang pagsubok sa aming buhay, naaksidente kaming mag asawa at muntik ng mamatay. Nabalian ako ng buto sa kaliwang kamay at napuruan din ang aking asawa. Bigla kaming nanlumo at natigil sa paghahanapbuhay. Nabaon sa utang ,subalit hindi nawalan ng pag-asa, inisip kong pagsubok lamang ito ng Diyos upang kami ay patatagin. Kaybuti ng Diyos

,sa tulong Niya at mga tao sa aming paligid, hindi Niya kami hinayaang bumagsak ng tuluyan. Salamat po Panginoon at binigyan Mo kami ng pangalawang buhay. Muli po kaming nagtinda makalipas ang isang taon ng pagpapagaling ng aming mga sugat. Muli kaming nakipagsapalaran sa buhay. Lagi naming iniisip ang kapakanan ng aming mga anak kaya hindi dapat sumuko, lumalaki sila at lumalaki din ang kanilang pangangailanagan sa kanilang pag-aaral. Dinoble pa namin ang aming sipag at tiyaga, nagtitinda kami sa umaga at naglulutong ulam at merienda narin sa hapon. Sa pagkakataong ito,mas gumanda pa ang aming kita. Sa pagsusumikap at pagdarasal, nakagpundar pa kami ng isa pang kolong kolong, kasunod nito ay nakabili kami ng Videoke na aming pinapaarkila upang dagdag kita. Sa tulong naman ng buwanang Fds, naisasabuhay ko ang lahat ng aming natututunan, lalo na magagandang asal para sa aming mga anak. Dalawa sa tatlo kong anak ay sakristan sa aming simbahan, ako naman po ay isang sa mga taga basa, hindi po ako namomroblema sa kanilang asal at katuwang po namin sila sa paghahanapbuhay at paggawa ng mga gawaing bahay. Binilhan po namin sila ng laptop upang mapagaan ang kanilang pag-aaral. Kolehiyo na po ang dalawa at sa loob ng maraming taon,katuwang ko po kayo 4Ps sa kanilang pag-aaral. Sa tagal narin po ng aming pagtitinda, ay naipaayos narin po namin ang aming dati’y barong barong na bahay. Nakabili din po kami ng second hand na oner na siyang ginagamit namin sa aming pamamalengke upang hindi kami mabasa ng ulan. Kamakailan lamang ay nakabili po kami ng isa pang lote.Nadagdagan ang aming nabiling lupa.

 

Salamat sa Panginoon sa patuloy na paggabay sa aming pamilya, Siya ang naging sandigan ko sa lahat ng pagkakataon. Sa ngayon po ay may kakayahan narin kaming mamahagi sa iba, kapag sumasapit po ang pasko ay namimigay kami ng regalo sa lahat ng aming mga suki, katuwang ko ang aking asawa’t mga anak, kami po ay nagbabahay-bahay upang mamigay ng regalo sa kanila. Gayundin po sa mga piling senior citizen sa aming Sitio, naghahandog po kami ng mga grocery at konting bigas bilang pasasalamat at paggalang sa kanila. Salamat sa 4Ps, nawa’y panghabang buhay na ang inyong programa, upang madami pa kayong matulungan na maging progresibo ang pamumuhay. Mabuhay po ang inyong makabuluhang programa. Salamat Panginoon,manatili Ka sa aming puso at isipan upang tama lamang ang aming magawa at maging kalugod lugod sa Iyo. Gabayan MO po kaming lagi at sa mga nasa pamahalaan na patuloy ng nag iisp ng paraan upang makatulong sa mga nangangailangan. Sa Iyo ang lahat ng papuri at pasasalamat. May GOD BLESS US ALL.

Panuorin ang kwento ng tagumpay ng Pamilya Arcansalin dito: https://tinyurl.com/mtpvsncr