Si Isaias P. Baclay, isang katutubong Ayta mula sa Sapangbato, Angeles City, ay lumaki sa simpleng pamumuhay ng kanyang pamilya. Kabilang ang kanilang pamilya sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na naging pangunahing katuwang nila sa pang-araw-araw na gastusin at edukasyon. Para kay Isaias at sa kanyang mga kapatid, ang programa ay tunay na biyaya mula sa pamahalaan.
Habang tumatanda, nakita niya ang hirap ng kanilang pamilya at ang diskriminasyong naranasan nila bilang mga katutubo. Gayunman, hindi ito naging hadlang upang pangarapin niyang makatapos at makapaglingkod. Pinili niyang kunin ang kursong Social Work, inspirasyon ang mga social worker at city links na dumarating at tumutulong sa bawat pamilya sa kanilang komunidad. Pinanghahawakan rin niya ang paniniwalang, “walang ibang tunay na makakaunawa sa mga katutubo kundi ang kapwa katutubo rin.”
Kaya naman, hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay. Subalit sa kabila ng kakulangan sa pinansyal, kumapit siya sa dasal at sa suporta ng kanyang pamilya at ng 4Ps. Doon niya napatunayan na ang bawat sakripisyo at pagtitiis ay may katapat na bunga.
Noong Agosto 12, 2025, natupad ang isa sa pinakamalaking pangarap ni Isaias nang makapagtapos siya ng Bachelor of Science in Social Work. Pagkaraan nito, humarap siya sa Licensure Examination for Social Workers na may baong pananampalataya. At sa unang pagsasanay lamang, ipinagkaloob ng Diyos na siya ay makapasa.
Ngayon, si Isaias Pamintuan Baclay ay isang ganap na Registered Social Worker. Buong puso siyang nagpapasalamat sa Diyos, sa kanyang pamilya, at sa programang 4Ps na naging katuwang sa kanyang paglalakbay. Ang kanyang kwento ay patunay na sa tulong ng tiyaga, pananampalataya, at suporta mula sa gobyerno, posible ang katuparan ng pangarap, lalo na para sa kapwa katutubo.
Siya si Isaias P. Baclay, RSW, naglilingkod para sa Diyos, para sa Tao, at para sa Bayan. ##